UMABOT na sa 16 lugar ang isinailalim sa Signal No. 1 sa nagbabantang pagdating ng bagyong Zoraida.
Sa latest weather bulletin ng Pagasa, kabilang sa mga apektado ng bagyo ay ang Dinagat Province, Siargao Island, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao del Norte, kasama ang Samal Island, Bukidnon, Misamis Oriental, Camiguin Island, Siquijor, Southern Cebu, Bohol, Negros Oriental at Southern Negros Occidental.
Kaugnay nito, inabisohan nang mag-ingat ang mga residente sa nasabing mga lugar lalo’t ilan sa kanila ay nasalanta na ng super typhoon Yolanda.
Huling namataan ang bagyo sa layong 830 kilometro sa timog silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.
Taglay ang hanging 55 kph, habang kumikilos sa bilis na 30 kph patungo sa kanluran hilagang kanluran.
Inaasahan ang landfall o pagtama ng sentro ng bagyo sa Surigao del Sur ngayong gabi kung hindi ito magkakaroon ng mga pagbabago.