ISANG pamilya ang nabistong nagkakalakal ng ilegal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Taguig City police kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.
Kinilala ni Chief Insp. Jerry Amindalan, hepe ng Station Anti-illegal Drug Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ng Taguig police ang mga suspek na sina Alvin Villa Agustin, 23; ang kinakasamang si Jhonelyn Magpatag, 22, at ang ina ni Alvin na si Emilyn Agustin, 53, nang tangkain harangin ang mga pulis na darakip sa dalawa.
Sa ulat nina SPO2 Ernesto Sanchez at PO3 Eric Villa ng SAID-SOTG, isang linggong isinagawa ang pagmamanman sa umano’y bentahan ng ilegal na droga sa mini park, Brgy. Fort Bonifacio tuwing 5:00 ng hapon.
Hanggang isagawa nina PO3 Renato Ibanez ang drug bust.
Nang abutin ng mag-live-in ang P2,000 markadong salapi, kapalit ng dalawang sachet ng shabu, agad lumabas ang mga operatiba ng pulisya ngunit agad silang hinarang ng ina ni Alvin.
Dahil dito, dinakip rin ni PO1 Tina Dizon ang matanda hanggang makompiska pa sa anak at manugang na hilaw ang anim pang sachet ng hinihinalang shabu at isang 12-gauge improvised shotgun.
Bukod sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act, kakasuhan din si Agustin ng illegal possession of firearm.
(JAJA GARCIA)