ANO ba ang basehan para maging isang kagalang-galang na traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)?
Kailangan bang isa kang college graduate para maging isang enforcer? Hindi naman daw sabi ng kaibigan natin taga-MMDA kundi ang mahalaga ay marunong kang magbasa at higit sa lahat ay mayroon kang backer.
Iyan ang kapani-paniwala sa lahat—backer. Totoo iyan. Kung wala ka raw nito at personal kang mag-apply sa MMDA para maging isang enforcer, pupulutin ka lang sa kangkungan.
E ano pa ang requirements para maging isa kang enforcer ng MMDA?
Well, kailangan daw na maabilidad ang enforcer. Maabilidad? Oo maabilidad sa lahat ng klaseng diskarte sa lansangan lalo na sa pangongotong.
Ha! Isa ito sa requirements. Hindi naman mga suki kundi, iyan ang aktwal na nangyayari ngayon – maabilidad ang karamihan sa MMDA enforcers hindi sa pagdidisiplina sa mga motorista at sa pagsasaayos sa trapiko kundi sa araw-araw na ‘kikitain.’
Tulad na lamang nitong mga inireklamo kamakailan – sobrang maabilidad sa pangongotong ang ilang enforcer sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City.
Pulos pangongotong na lamang ang alam ng mga tadong MMDA sa lugar. Karamihan sa kanilang nilalamon ay mga nagmamaneho ng mga truck, closed van at motorsiklo.
Yes, umaabot na sa sukdulan ang pangongotong at panggigipit ng ilang tiwaling enforcer ng MMDA.
Hindi lamang sa Commonwealth Avenue kasumpa-sumpa ang mga enforcer kundi maging sa Ortigas Center. Mga walang kalaban-labang mga tsuper ng UV Express naman ang ginigipit at pinagkukuwartahan ng mga lintek.
Nagtataka ang mga tsuper kung bakit pumapasok sa Ortigas Center para manghuli ang “Mobile 06” at “Mobile 05” ng “Task Force Edsa” na ang Area Of Responsibility (AOR) o ang mission order lamang nila ay ang kahabaan ng EDSA.
Sa sumbong na ipinarating ng mga tsuper na may legal na terminal sa likod ng Robinson’s Galleria, hiningan daw sila ng P300 per day pero hindi nila ito pinatulan kaya lagi silang hinuhuli at kung ano-anong violation ang ikinakarga sa kanila.
Para po sa kaliwanagan, ang terminal sa likod ng mall ay nasa ADB Ave., at hindi na sakop ng EDSA pero doon nananlasa ang “Mobile 06” kahit hindi na nila ito AOR.
Bilang patunay, kamakailan, isa sa nabiktima ay si Manuel Roxas sa ADB Avenue. Ang ginawa, kinuha sa ADB at saka dinala sa EDSA ang kawawang tsuper bago tiniketan. So, pinalalabas na sa EDSA siya hinuli. Gano’n?
Chairman Francis Tolentino, maabilidad nga ang mga tauhan mo.
Tsk…tsk…tsk…
Iyan pa naman ang ayaw na ayaw ng mga ABB noon. Buhay pa ba ang ABB. Ops, hindi ako nananawagan sa ABB ha, kundi naalala ko ang misyon nila noong nauso ang ABB. Mga mangongotong na pulis sa lansangan ang target nila.
Hindi lang ito kundi, itong Mobile 05 naman ay umoorbit din sa St.Francis Square na nasa kanto naman ng Bank Drive at Julia Vargas na hindi rin sakop ng EDSA. Mangongotong nga este maabilidad nga.
Isa sa nabiktima ay si Wilson Domingo na nang makitang legal ang mga papeles pinag-initan ‘yung two way radio niya kahit hindi naman sila deputized ng National Telecommunications Commission (NTC) at hayun nanghingi pa sila ng pang-meryenda na P100 nakaha-high blood talaga ang mga bata mo, Mr. Chairman!
Chairman, baka puwedeng patinuin mo ang mga bugoy na ‘yan na bandang 7:00 hanggang 8:00 ng gabi kung umorbit sa lugar. Tutal ang apelyido mo naman sir ay may “TolenTINO” kaya kastiguhin mo na. Salamat po.
Nasaan na iyong tuwid na daan n’yo ni PNoy? Drawing lang ba ang lahat?
Almar Danguilan