NGAYONG araw nakatakdang ilibing si Daniel “Kuya Cocoy” De Castro matapos siyang mapatay ng isang kampon ni Satanas sa Bgy. Pag-Asa, Binangonan, Rizal noong Lunes. Biktima ng holdap ang mag-asawang Cocoy at Loida na parehong may tama ng bala sa katawan. Pinalad makaligtas si Loida ngunit sinawimpalad ang kabiyak na tinamaan ng bala ng KARBIN sa mukha at katawan.
Ang kakatwa sa istoryang ito ay ang katotohanang makailang beses nang naging biktima ng holdap ang pamilya. Tila naging suki na nga raw sila ng pagnanakaw. Noong Agosto 2004, napatay matapos barilin ng isang holdaper ang kapatid ni Loida na si Ma. Lourdes o Baby. Sugatan din ang asawa ni Baby na si Alfredo.
Ilang taon bago iyon ay hinoldap din ang ate nilang si Helen ngunit hindi naman ito nasaktan. Ang kanilang kapatid na lalaki na si Andy ay pinalo ng baril sa batok ng isa pang kampon ni Satanas.
Hindi lamang sila ang naging biktima ng karahasan at pagnanakaw sa probinsiya lalo na sa bayan ng Angono at Binangonan. Nakapagtatakang naging paborito ng mga naglipanang HOLDAP GANG ang mga bayang ito. Bakit kaya? Dahil hindi inaaksiyonan ng lokal na pamahalaan ang mga kaso?
Tila puro pagsusugal na lang sa THUNDERBIRD ang pinag-uubusan ng panahon ng mga alkalde diyan a. Ooops! Bato-bato sa langit!
Seryosong pagpuna po, mga kanayon, ang aking sasabihin tungkol sa walang kakuwenta-kuwentang pamamalakad ng Rizal Provincial Police Office sa Hilltop diyan kung kaya’t laganap ang mga krimen. Mga karumal-dumal na krimen gaya ng nangyari sa mag-asawang De Castro at iba pa. Naging kabilang na lang ata sila sa listahan ng PETTY CRIMES o mga krimeng hinayaan na lang makalimutan.
Si Loida ay isa na ngayong witness at hindi lang biktima dahil ayon sa kanya, madali niyang makikilala ang salarin. Kaya naman dapat na bantayan ang seguridad niya 24 oras.
Sa aking panayam kay C/Insp. Tom Maragondon na hepe ng Binangonan Police, ipinaliwanang niya na bagama’t medyo may kakulangan ang puwersa ng pulisya doon, nagagawa naman nila ang kanilang trabaho. Sa katunayan, aniya, may CCTV footage at mga saksi na silang hawak na maaaring makapagbigay-alam kung sino ang tarantadong animal na pumatay kay Cocoy De Castro.
Sa pananaw ko, hindi lang si Cocoy ang naging biktima nila. At sa aking palagay din, malamang na may kapit sa awtoridad ang malalakas ang loob na mga hayup na ‘yan. Kung paano nila natiktikan ang kanilang mga biktima, ay kabaligtaran namang hindi natitiktikan ng mga INTELLIGENCE personnel ng PNP Rizal ang mga grupong umaaligid sa probinsiya.
Ayon nga kay Major Maragondon, hindi lalayo sa Pasig City ang iniikutan ng grupong ‘yan.
Mayor Boyet Ynares at sa iba pang kinauukulan, hanggang kailan kayo magbibingi-bingihan at magbubulag-bulagan sa mga nangyayari sa paligid ninyo?
Hmmmm. Nakapagdududa…
Joel M. Sy Egco