NAPAKAGANDA ng kilusang isinusulong ng dating Punong Mahistrado na si Ginoong Reynato Puno na mismong ang taong-bayan ang magsagawa ng batas na estriktong ipagbawal ang pagkakaroon ng mga mambabatas ng “pork barrel” na tinawag din sa iba’t ibang katawagan na ngayon ay kilalang “Priority Development Assistance Fund (PDAF) at ano mang kauri nito.
Kapag nagkataon ay mariing sampal ito sa mga mambabatas. Sapagka’t sa halip na sila ang kumatawan sa mga mamamayan sa paggawa ng batas ay sila ang kakatawanin ng taong-bayan sa tungkuling ito. Kakatwa (ironical) hindi po ba? Sa mga bansang demokrasya sa buong mundo ay dito lang yata sa Pilipinas mangyayari ito kung sakali.
Ang kakaiba sa paggawa ng batas, na ang prosesong gagamitin ay “People’s Initiative,” ay kapag pinagtibay ito ng mga mamamayan ay hindi puwede ang ‘veto power’ dito ng Pangulo ng bansa. Iyan ay dahil sa sagradong doktrina na ang ‘may-ari’ ng gobyerno ay ang tao at hindi ang kabaligtaran nito.
Sana’y magtagumpay ang isinusulong na “People’s Initiative” ni dating Punong Mahistrado na si Reynato Puno. Sa kauna-unahang pagkakataon, kung sakali, ay ngayon lang magagamit ng mamamayan ang kapangyarihang ito.
Ang isa pang mahalagang isyu na dapat din idaan sa “people’s initiative” ay ang “anti-political dynasty” na nasa probisyon ng Saligang Batas. Sapagaka’t hindi tulad ng “pork barrel” na pinagtatalunan pa hanggang ngayon ang konstitusyonalidad, ay maliwanag na ang “political dynasty” ay labag sa Konstitusyon. Sa isyung ito, hindi natin maaasahan ang mga mambabatas na gumawa ng “enabling law” para magkabisa ang “anti-political dynasty” na nakasaad sa Saligang Batas.
Sa kabilang dako, dahil sa napakainit na isyu ngayon ng nakawan ng pondo ng gobyerno, ay mahalagang mapag-aralan din ng mga kinauukulan ang tinatawag na “intelligence fund” ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Unang-una, ang pondong nabanggit ay maaaring hindi na paraanin sa pagsusuri ng Commission on Audit.
At alam po ba ninyo na bukod sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Bureau of Investigation at iba pang mahahalagang sangay ng ating pamahalaan na may kaugnayan sa seguridad ng bansa ay mayroon din nito ang iba pang departamento ng gobyerno na wala namang kinalaman sa seguridad ng bansa?
Talaga bang nagagamit sa dapat paggamitan ang “intelligence fund” o ang ilan at malaking bahagi nito ay napupunta lang sa bulsa ng kung sino-sinong opisyal ng gobyerno? Mahirap bang paniwalaan iyan?
Ang sabi ni Pangulong Noynoy sa kanyang talumpati na isinahimpapawid ng iba’t ibang himpilan ng radio at telebisyon … “Ang isyu ay pagnanakaw. Hindi ako magnanakaw.” Sabi naman ng dalawang senador…” Hindi rin kami magnanakaw.” Gaya-gaya, hindi po ba?
Bahagi ng sagot ng isang senador sa akusasyon ng plunder ay . . . “bakit kami lang?” Ngayon naman ay . . . “bakit ikaw lang? Kami rin hindi magnanakaw.”
Nakakatawa, hindi po ba?
ni Peter Talastas