MAINIT na pinag-uusapan ngayon ang mga katiwalian sa tanggapan ng government owned and controlled corporations (GOCCs).
Kungsaan nangunguna rito ang GSIS, DBM, SSS, PhilHealth, Pag-Ibig, PAGCOR, PCSO, MWSS, etc…
Na itong GSIS, na ang pondo ay galing sa mga manggagawa ng gobyerno, ay nagpapasuweldo pala ng P1.3-M kada buwan sa kanilang presidente, kay Guevarra! At ang mga vice president ay halos tig-isang milyong piso rin, habang ang mga direktor ay halos tig-kalahating milyon!
Pero biglang sumagi sa isipan ko itong PAGCOR, ang ahensya ng gobyerno na maraming sinirang buhay at pamilya. Malaki pala ang naibibigay nitong grasya sa bawat lungsod na mayroon silang casino.
Sa City of Manila, nagbibigay daw ito ng P11-M kada buwan sa Mayor’s Office, nakapangalan daw ang tseke nito sa mayor. Ang mga konsehal naman ay tig-P70K at sa Vice Mayor ay times six ng sa konsehal, meaning P420,000 a month bukod pa sa kickback na 20% sa konsehal.
Nagsimula raw ang ganitong kalakalan noong 1992. Nung termino ni Mayor Lim sa Maynila, ang natatanggap niyang P11-M kada buwan ay itinanggi niyang ipangalan sa kanya ang tseke, ipinadirekta niya ito sa City Treasurer’s Office para ipamahagi sa district hospitals para sa mga libreng gamot ng mahihirap na pasyente.
Nung panahon ni Mayor Atienza, ipinapasok naman ang bigay sa kanya ng PAGCOR sa foundation ng kanyang -misis na “Kababaihan”.
Kaya ko naman po tinatalakay itong P11-M monthly ng PAGCOR sa Mayor’s Office ng Maynila ay kung ito ba’y nakararating din sa kasalukuyang alkalde ng lungsod, si Erap Estrada. At kung saan naman ito ipinopondo?
Kasi nga nag-iiyakan ngayon ang mahihirap na nagpapagamot sa anim na district hospitals ng Maynila. Nawala na raw kasi ang mga dati’y libreng check up, gamot, etc… -during Lim’s administration.
At may balita pa ngayon na gagawing pribado ang tatlo sa mga naturang district hospitals na ipinatayo nina Mayor Villegas, Mayor Lopez at Mayor Lim.
Apat sa anim na district hospitals na ito ay si Lim ang nagpatayo, ang tatlo ay ipinagawa niya sa pagitan ng 2007-2013.
Yun lang!
Pulis na malakas mangotong
sa Sta. Cruz, Manila
– Paki-parating naman po kay Mayor Erap at sa kapulisan na ilipat na po itong pulis na si Tan na tumatambay dito sa T. Alonzo, Sta. Cruz, Manila. Ang lakas po kasi mangotong sa amin at minumura pa po kami. – 09332626…
Titser sa Maynila
‘di pa nababayaran
sa nakaraang Brgy. Election
– Manila teacher po ako dito sa District lV. Just want to ask help, kasi until now hindi pa po kami nabibigyan ng payment as Brgy. Board of Canvassers last barangay election. Yung binigay palang ay sa BET. Baka matulungan nyo kami na mai-followup ito sa Comelec-Manila. P1,500 pa po kasi yun. Malaking halaga po yun para sa amin. Pangako po kasi ng Comelec ibibigay yun after election, pero hanggang ngayon ay wala pa po e. Pls. help us. Thanks! 09058898….
Comelec Chairman Sixto Brillantes, Sir!, paki-ayos ang problemang ito ng mga titser na ginawa nyong BOC nung Brgy. Election.
Laganap na droga
sa Bagombong NHA 2B,
Caloocan
– Report ko po itong malaking problema sa droga dito sa aming lugar, sa Bagombong NHA 2B sa Caloocan City. Masyado na pong garapal ang pagbenta ng droga dito sa amin mas lalo na sa tinatawag na creek. Kaya po laganap narin ang mga magnanakaw dito. Kahit may tao sa bahay papasukin parin nila, walang takot, kasi nasa impluwensya ng bawal na gamot. Sana matulungan nyo kami. – 0932128….
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio