HINDI lang ang pagdiskuwalipika sa kanya bilang Manila mayoralty bet ang pinangangambahan ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada sa inaabangan niyang pagbaba ng desisyon ng Korte Suprema hinggil sa disqualification case na isinampa ni Atty. Alice Vidal laban sa kanya.
May nakapagbulong sa atin na kabado si Erap sa pangitain na mababalik siya sa kulungan dahil sa paglabag niya sa pangakong hindi na muling kakandidato sa ano mang posisyon sa gobyerno na nakasaad sa conditional pardon na ibinigay sa kanya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kapag nagpasya kasi ang Kataas-taasang Hukuman na diskuwalipikado siyang kandidato sa pagka-alkalde dahil bawal sa Local Government Code na tumakbo sa halalan ang convicted criminal at nilabag din niya ang kanyang conditional pardon, walang ibang patutunguhan si Erap kundi sa bilangguan.
May karapatan si Pangulong Benigno Aquino III, bilang presidente ng bansa, na bawiin ang iginawad na conditional pardon kay Erap at papanagutin siya sa paglabag sa nakasaad na kondisyon nito.
Marami ang nasasabik na gawin ito ni Pangulong Aquino lalo na’t gumagawa ng sariling diskarte si Erap para isabotahe ang relasyon ng Hong Kong at Pilipinas.
Kapag hindi ito inaksiyonan ni Pangulong Aquino ay mas malaking perhuwisyo ang idudulot ng mga kabalbalan ng isang sentensiyadong mandarambong sa ating bansa at sa sambayanang Pilipino.
Tagapagtanggol ni Erap
sa ‘media,’ kriminal rin
MAY isang naging wanted sa lalawigan ng Masbate, at bumuno ng ilang taon sa Bilibid, ang todo ang pagtatanggol sa mga protektor ni Erap sa ‘media.’
Tulad ni Erap at kanyang mga protector sa ‘media’, pinalalabas ng hangal na hindi krimen ang magnakaw sa kaban ng bayan at nilalansi nila ang publiko sa baluktot na moralidad na ang pagbibigay ng sentensiyadong mandarambong sa alin mang organisasyon ay pases na para parangalan siya.
Kunsabagay, ganyan yata talaga ang karakter ng namuhay sa krimen, kaya nga babala natin sa publiko ay mag-ingat dahil malaking pinsala sa sibilisadong lipunan ang mga BURDADO sa “press.”
AGA MULACH BIKTIMA
NG “KIKIL DIVISION”?
KUNG may dapat na sisihin kaya natalo sa nakalipas na halalan sa pagka-kongresista sa Camarines Sur si Aga Muhlach, ito ay ang pakikipagkita ng dalawang Commission on Elections (Comelec) commissioners sa ama ng katunggali ng actor na si dating Rep. Armulfo Fuentebella noong Oktubre 10, 2012 sa isang Japanese Restaurant sa Diamond Hotel.
Sa halip na aksiyonan ni Comelec Chairman Sixto Brillantes ang kuwestiyonableng meeting ng matandang Fuentebella kina Commissioners Elias Yusoph at Lucenito Tagle ay kinampihan pa ang dalawa niyang “notoryus na opisyales” na tumanggap ng tig-isang magkaparehong paper bag na ang laman daw ay ay pili nuts.
Kaya nga maraming Bicolano ang naghuhumiyaw sa tuwa nang ipakuha ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ang mga kinukuwestiyong balota ni Muhlach para mabusisi na dahil nagpasya ang lupon na “sufficient in form and substance” ang poll protest ng actor laban kay William “Wimpy” Fuentebella.
Base sa reklamo ng actor, umiral ang malawakang bilihan ng boto at ballot tampering at pagkakamali sa scanning ng mga boto bunsod ng ginamit na corrupted o sirang flashcards.
Umaasa ang mga taga-Camarines Sur sa integridad ng HRET at harinawa, anila, hindi ito maiimpluwensiyahan ng matandang Fuentebella , gaya ng ginawa niya sa Comelec.
MURANG MIGHTY YOSI,
UKILKILIN SA KAMARA
IIMBESTIGAHAN ng House Committee on Ways and Means kung bakit naglipana pa rin ang mga mumurahing sigarilyo sa kabila nang ipinaiiral na ang Sin Tax Law o ang pagtaas ng excise tax sa alak at sigarilyo.
Nag-ugat ang hakbang ng Kamara de Representantes sa mga ulat nang pagsisiyasat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) sa ulat na mas mababang halaga ang ibinabayad na buwis ng Mighty Corp., sa inaangkat na tabako kompara sa ibang cigarette companies.
Batay kasi sa report, ipinunto ni Finance Secretary Cesar Purisima sa kanyang confidential memorandum kay Customs Commissioner Ruffy Biazon noong Agosto 15, na umaabot sa halos dalawang bilyong piso ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa hindi pagkakatugma ng ibinabayad na buwis ng Might Corp., sa imported tobacco sa dami ng sigarilyong nagagawa ng kompanya.
Ito ang nakikitang dahilan kaya kumikita ang kompanyang nakabase sa Bulacan na pagmamay-ari ng mga Wochungking, kahit ibinebenta ng piso kada stick ng sigarilyong Mighty kahit ang lumalabas na kabuuang puhunan nito ay P4.47.
Hindi kaya ang dapat na paalaala sa pakete ng Mighty cigarette ay “Smoking helps tobacco smuggling and tax evasion?”
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Pery Lapid