ATTEMPTED robbery extortion at slight physical injury ang ikinaso ng 30-anyos na ginang laban sa isang pulis kaugnay sa panggugulpi sa kanya nang mabigo siyang ibigay ang P20 tong sa Pasay City kamakalawa.
Sa inihaing reklamo sa tanggapan ni Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay Police, sinabi ni Mary Lyn Casero, taxi barker sa EDSA/Rotonda, residente ng 2976 Mahogany St., nagtatawag siya ng pasahero dakong 9:00 ng umaga noong Linggo, nang lapitan siya ni PO3 David Quejada, nakatalaga sa tanggapan ng Deputy Chief of Police for Administration (DCOPA) at hinihingi ang regular na P20 tong.
Ani Casero, wala pa siyang pera noong mga oras na ‘yon, na ikinairita umano ng pulis at pinagsalitaan siya ng masasakit na kanyang sinagot.
Sa gitna ng mainitang pagtatalo, sinampal umano ng pulis ang ginang pero hindi nagpatalo si Casero at siya’y nanlaban.
Nagawa pa umanong itulak ni Casero ang nakaparadang motorsiklo ng pulis na lalong ikinagalit ng suspek kaya pinagbubugbog ang ginang.
Naawat lamang ang pulis nang mamagitan ang biyenan ng biktima na si Rosalinda Casero, na naghatid kay Mary Lyn sa Pasay City General Hospital upang ipagamot ang mga sugat at pasa ng manugang.
Inatasan ni Senior Supt. Michel Amos Filart, hepe ng Pasay City Police si Chief Inspector Goforth na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa reklamo ng ginang laban kay Quejada.
(JAJA GARCIA)