Sunday , December 22 2024

U-turn slots sa Commonwealth Ave., QC, favorite spot ng MMDA enforcers?

SA kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City, kapansin-pansin na paboritong spot o lugar na tambayan ng ilan sa mga damuhong traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay ang U-turn slots.

Bakit kaya ang naturang lugar ang gustong-gustong tambayan ng mga enforcer? Ang masaklap pa, sa kabila ng kahabaan ng Commonwealth Avenue ay bakit nagkukumpol-kumpol ang mga enforcer sa iisang lugar o sa U-turn slots lang.

Ano ba ang mayroon sa U-turn slots?

Ano nga ba ang mayroon sa U Turns slots Ginoong Francis Tolentino, MMDA chairman?

Utos n’yo po ba Chairman na magkumpol-kupol lang ang inyong mga bataan sa isang lugar

o sa U-turn slots?

Chairman, may nakapagbulong na kaya pala paboritong tambayan ng mga bataan mo ang U-turn slots ay dahil maraming nakabaon na mina sa lugar. Ha! Minahan pala ang U-turn slots sa Commonwealth Avenue. Totoo ba ito?

Minahan dahil maraming kababalaghang nangyayari sa lugar. Lahat ng dumaraan sa harapan ng mga enforcer ay kanilang pinatatabi at sinisita kahit na walang atraso sa batas trapiko. Partikular na kunwaring sinisita ay mga naka-motor at mga may dala ng 4-wheel closed delivery van.

Kung ano-ano ang hinahanap sa mga driver o tinitsek sa sasakyan  – OR, CR, sticker ng helmet, taillight,  headlight at kung ano-ano pa pero at the end of the day pala ay kotong ang kababagsakan. Pero gaano naman kaya katotoo ang sumbong na ito?

Tserman, pasadahan n’yo ang Commonwealth at makikita n’yo ang tinutukoy natin – hindi lang base ito sa info na ibinato sa inyong lingkod kundi batay din ito sa obserbasyon ko sa araw-araw na pagdaraan sa nasabing lansangan.

Heto pa ang isa sa dahilan kung bakit nagkukumpol-kumpol ang ilan sa mga tiwali mong enforcers sa U-turn slots.

Ito ay para malapitan din nilang maispatan ang mga driver kung gumagamit ng seat belt.

Hayun kapag negative ka sa pagsuot ng seat belt, tiyak patatabihin ka at … “sir, lisensya n’yo po.” Violation – driving without seat belt.

Siyempre, pakiusap naman si mamang driver. Ang ilan naman ay pinagbibigyan pero ang iba ay tinutuluyang tiketan. Hayun naman pala.

Lamang, ang ilan sa pinagbibigyan ay iyong may iniaabot sa mapagbigay na enforcers. Labag man sa kalooban ng nagbibigay ang pagbibigay, ‘wa no choice na sila dahil nga kung ano-ano pa ang sinasabi sa kanila ng enforcer – paikot-ikot at sa bandang huli pala ay ‘lagay’ ang kababagsakan.

Ako man ay minsan nang nasita sa isang U turn slot sa Commonwealth –  pinatabi tayo dahil  nakalimutan kong magsuot ng seatbelt.

Hinihingi ang lisensya ko. Siyempre, bago ibigay ay nakiusap muna tayo baka pwede lang naman. Hindi tayo nagpakilala. Pangit e.

Kinuha pa rin ang lisensya ko pero patuloy tayong nakiusap. Hanggang sa pormang titiketan na tayo. Pero hindi pa man sinusulatan ang ticket ay nagbitaw na ng salita ang enforcer. Ang sabi ay paano sir, titiketan na kita…malaking abala ito sa iyo. Paano iyan?

Well, hindi naman niya ako hinihingan pero, ano pa ba ang ibig sabihin ng enforcer sa pananalita niya. Simple lang ang gusto niyang mangyari.

Ang dapat ay hindi na siya nagsalita at tiniketan na lamang ako. Iyon ang tamang paniniket. Kunin ang lisensya at tiketan agad. O di kaya huwag na rin hintayin pang bumaba ang driver para sundan ang enforcer.

Hindi ko pinatulan ang parinig at sa halip, nagpakilala na ako at tiningnan ang media ID ko. Hayun, kamot sa ulo si enfrocer kasabay ng pagsasabing, hindi naman kayo agad nagpakilala sir. Hindi naman pala tayo talo.

Ha ha ha …kailangan pa bang magpakilala – kung tiketan dahil may violation, tiketan na agad hindi na iyong paligoy-ligoy pa. Ako, kung tiniketan agad no’ng oras na iyon dahil nga may violation ako, okey lang pero dahil nga nakita ko ang diskarte ng enforcer. Napilitan akong magpakilala.

Matagal-tagal nang nangyari sa akin ito, naalala ko lang uli dahil sa panibagong info na inilapit sa AKSYON AGAD.

Tserman Tolentino, your attention is badly needed. Alam n’yo na kung bakit favorite site ng mga bataan mo ang U-turn slots sa Commonwealth Avenue.

Almar Danguilan

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *