PATAY ang hindi pa nakikilalang lalaki na pinaghinalaang holdaper matapos bugbugin ng mga pasahero ng jeep na kanyang biniktima sa Pasay City kamakalawa ng madaling araw.
Nadala pa sa Pasay City General Hospital ang biktimang nasa pagitan ng 30 hanggang 35 anyos, katamtaman ang katawan, mahaba ang buhok, nakasuot ng makulay na t-shirt at maong na pantalon, na namatay habang nilalapatan ng lunas ng mga doktor.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Cris Gabutin ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay police, nangyari ang insidente dakong 1:15 ng madaling araw, sa kanto ng Cabrera at EDSA, at nasaksihan ng mga testigong sina Roderick Austria at Reynaldo Gatchalian, kapwa tricycle driver at residente sa lugar.
Ani Austria sa pulisya, nakita niya ang limang lalaki na bumaba sa isang pampasaherong jeepney at sumisigaw ng “Holdaper ka!” bago pinagtulungang bugbugin ang hinabol na lalaki. Ani Austria, naglakad palayo patungo sa Cabrera Street ang limang lalaki nang makitang duguan at nakahandusay na ang biktima sa kalsada. Nakuha ng pulisya sa biktima ang isang replica ng kalibre .38 revolver na may anim na bala na nakasukbit sa kanyang baywang.
(JAJA GARCIA)