IPINAKAKANSELA ni Sen. Serge Osmeña ang nakatakdang pagharap sa Senado ngayong linggo ng kontrobersyal na si Janet Lim Napoles kaugnay sa nabunyag na P10-billion pork barrel fund scam.
Hiniling ng senador sa Senate Blue Ribbon committee, na kung maaari ay maipagpaliban ang pagdinig sa Nobyembre 18 dahil sa posibleng kawalan ng quorum.
Tinukoy ni Osmeña na karamihan sa mga mambabatas ay “out of town” pa kung kaya’t hindi aniya makadadalo sa imbestigasyon.
“I am requesting Senator TG Guingona to move the Nov. 7 hearing to Nov. 18, the day that Congress resumes. I am concerned that more than half the members of the Senate will be out of town since Congress is still on break,” ayon sa opisyal.
Binigyang-diin ni Osmeña na kailangan mabigyan ng oportunidad ang mga senador na makapagtanong kay Napoles para matiyak ang “greater transparency” ng pagsisiyasat.
“Senators must have the opportunity to propound questions to Mrs. Napoles. The credibility of the Senate would be enhanced by more openness and greater transparency.”
Una nang ipinatawag ng komite si Napoles para sagutin ang mga alegasyong utak siya sa sinasabing maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng ilang mambabatas, kabilang ang ilang senador.
Samantala, para naman kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, agad niyang kinontra ang nasabing apela ni Osmeña.
Giit ni Escudero, matagal nang napagsabihan ang mga mambabatas hinggil sa schedule hearing kung kaya’t walang dahilan para maipagpaliban pa ito.