Sunday , December 22 2024

Overstaying OFWs sa Saudi ligtas—Asec Hernandez

TINIYAK ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas ngayon mula sa posibleng pag-aresto ng Saudi authorities ang overstaying na overseas Filipino workers (OFWs) na pansamantang nakikisilong sa itinalagang temporary shelters ng pamahalaan para sa kanila.

Ayon kay DFA spokesperson Asec. Raul Hernandez, dapat nang isantabi ang pangambang pag-aresto dahil sa kasunduan ng Filipinas at Saudi government na hindi na maaaring arestuhin ang naturang mga kababayan dahil naka-binbin pa ang proseso ng kanilang mga immigration requirements.

Napag-alaman na matinding takot ang nararamdaman ng OFWs nang mapaso kahapon ang deadline na itinakda ng Saudi para sa mga over-staying at illegal foreign workers na ayusin ang kanilang work at immigration clearances.

Una nang inihayag ng Saudi Ministry of Labor na walang mangyayaring extension sa itinakdang deadline para sa Saudization policy, taliwas sa kumalat na balita.

Magtatalaga ng mahigit 1,200 inspectors ang Saudi para mangasiwa sa gagawing pagsalakay sa mga kompanya, palengke at iba pang mga pampublikong lugar sa Saudi upang suyurin kung mayroon pang illegal workers.

Iimbestigahan ang pharmacies, barbershops, restaurants, security guards at drivers ng task force.

Kasabay nito ay iinspeksyonin ang mga dayuhang manggagawa kung may hawak na residency cards at kung may hawak na valid contract na may stamp ng chamber of commerce.

Sasailalim sa inspeksyon ang mga Saudi national para tukuyin kung nagkakanlong sila ng mga manggagawang ilegal ang dokumento.

Nilinaw ng Saudi Ministry of Labor na pagmumultahin ng hanggang SR100,000, pagkakakulong ng dalawang taon o parehong kaparusahan kapag natuklasan na sila ay repeat offenders.

Samantala, iba’t ibang bansa na may diplomatic mission ang nakisama sa pag-apela sa Saudi government na magbigay ng extension para sa amnesty ng illegal workers.

Bukod sa Filipinas, ang Pakistani Embassy ay umamin na maging sila ay nagkukumahog upang maiproseso ang mga dokumento ng libo-libo nilang manggagawa na nasa Saudi Arabia.

Katunayan, lumiham ang iba’t ibang mga embahada sa Custodian of Two Holy Mosques King Abdullah para sa “humanitarian appeal” gaya ng ginawa ni Vice President Jejomar Binay.

Hiniling ng Pakistani government na mula sa November 3 deadline, ay iurong ito hanggang January 31 sa susunod na taon.

Sinasabing mahigit 1,000 OFWs ang nakatakda pauwiin rin ng bansa.

Una nang na-repatriate pabalik ng bansa para hindi abutan ng deadline ang mahigit 4,000 OFWs.

Inihayag ni Abdul Ghafar Dimalutang, vice president ng Riyadh-based OFW Congress, maraming OFW ang nagrereklamo sa hindi naaasikasong aplikasyon dahil sa dami ng mga naghahabol na ibang nationalities.

Kabilang rito ang tatlong Pinay na nagrereklamo dahil isang linggo na silang pabalik-balik para mairekord ang kanilang biometric details pero naghihintay pa sa kanilang mga visa.

(BETH JULIAN)

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *