PATAY ang isang pulis sa naganap na sunog sa opisina ng Commission on Elections sa Iligan City kahapon ng madaling-araw na sinasabing sinilaban ng talunang kandidato sa nakaraang barangay elections.
Nagsimula ang sunog dakong 2:20 a.m. at naapula pasado 3 a.m.
Kinilala ang namatay sa sunog na si PO1 Rey Borinaga, miyembro ng city’s public safety company.
Kabilang si Borinaga sa mga pulis na inatasan na magbantay sa Comelec office sa Brgy. Poblacion.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, namatay ang biktima bunsod ng suffocation.
Agad namang ikinustodiya ng 47-anyos lalaking talunan sa barangay elections upang imbestigahan kung may kinalaman siya sa insidente.
Kaugnay nito, sinabi ni Iligan City fire marshal Rommel Villafuerte, isang supporter ng kandidato na natalo sa halalan ang nagsaboy ng gasolina sa opisina at sinilaban ito.
(HNT)