MUKHANG hindi na ayos ang itinatakbo ng communication group ng Malakanyang.
Ito ang halatang nagaganap ngayon sa Palasyo ni PNoy matapos umentra sa eksena si Sec. Herminio Coloma, pinuno ng Presidential Communication Operations Office (PCOO) bilang karagdagang tagapagsalita ng ating pangulo ng bansa.
Sa naturang kaganapan, aminin man o hindi ng Malakanyang ay kitang-kita namang hindi na sila gaanong katiwa-tiwala at masaya sa itinatakbo ng mga pinagsasabi nina Presidential Spokesman Edwin Lacierda at alalay na si Usec. Abigael Valte.
Mukhang hindi na communication group ang dapat itawag sa mga tagapagsiwalat ng impormasyon ng Malakanyang dahil ang naturang pagbabago ay nangangahulugan lamang na hindi na hapi si PNoy sa ginagawa ng grupo nina Lacierda at Sec . Ricky Carandang, na saradong bata ni Mar Roxas.
Sa bagong kaganapan, paghahatian nina Coloma, Lacierda at Valte ang araw-araw na press briefing ng Malakanyang at dito malinaw na lumalabas na may nagawang palpak sina Lacierda at Valte dahil pinapasok mismo ni PNoy si Coloma na dati-rati naman ay tagapag-ayos lamang ng buong sangay na sakop ng PCOO katulad ng PTV4, PIA, Channel 13, Channel 9 at Radyo ng Bayan at National Printing Office.
Ito ang dapat manmanan ng mamamayan dahil ang pagbabawas ng trabaho nina Valte at Lacierda ay malinaw na lalo lamang nabubuhay ang paksyon sa grupo ni PNoy.
***
Grabe ang salpukan ng mga politiko sa Malabon City dahil parang preview na ito ng labanan sa 2016 local elections.
Kanya-kanyang manok kasi sa nakalipas na barangay elections itong sina Mayor Len Oreta, Vice Mayor Jeannie Sandoval at Cong. Jaye Noel.
Lumakas ang loob ng mga kandidato sa Malabon dahil sa pagbaha ng suporta galing sa tatlong higanteng politiko ng lungsod.
Kaabang-abang ang resulta ng bilangan sa Malabon dahil ang sinomang grupo na aangat sa bilangan ay parang siya na rin ang masasabing may tangan sa darating lokal na halalan.
Alvin Feliciano