OPISYAL nang nadagdag bilang spokesperson si Secretary HERMINIO ‘SONNY’ COLOMA, JR., ang hepe ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO) bilang karagdagang SPOKESPERSON ng Malacañang ni Pangulong Benigno S. Aquino III.
Kung hindi tayo nagkakamali, pang-apat na si Secretary Coloma sa opisyal na spokesperson ng Malacañang.
Una si Secretary Ricky Carandang, Secretary Edwin Lacierda at Deputy Spokesperson Abigail Valte.
Whoaaa!
Ang dami nang TAGAPAGSALITA n’yan.
Parang sa paramihan ba ng ‘SPOKESPERSONS’ masusukat ang kredibilidad ng Palasyo?!
Si Usec. Manuel L. Quezon, bakit hindi pa n’yo isinama?
Hehehehe …
Baka ‘yun ang dapat ninyong suriin, kung may kredibilidad ba ang SPOKESPERSONS ninyo.
‘E mismong sa Malacañang press corps ‘e parang walang kredibilidad ‘yang apat na ‘yan e … hehehehe …
Mas may kredibilidad at pinaniniwalaan pa nga raw si Assistant Secretary for Media Relations REY ‘Mitoy’ MARFIL kaysa inyong apat.
Mas pinaniniwalaan pa nga raw ni PNoy si Asec. Rey ‘ala-boy abunda’ Marfil, kaya mas madalas na siya ang kasama sa mga lakad nito. Siya lang daw ang nakapagpapatawa sa ating Pangulo.
Ay sus!
Wala po ‘yan sa dami ng tagapagsalita.
Nasa sinasabi po ‘yan.
Alam ng tao kapag nambobola lang kayo o walang katotohanan ang sinasabi ninyo.
Kung gumagawa kayo, at nararamdaman ng tao, kahit hindi kayo magsalita, alam nila ‘yan.
Pero kahit salita nang salita kayo pero wala naman nakikita ang tao, wala pong bilang ‘yan.
Gano’n lang po kasimple ‘yan.
Uulitin ko lang po, wala sa dami ng SPOKESPERSONS ‘yan.
PAGTATAAS NG AMILYAR SA MAYNILA UUMPISAHAN NA
KAMAKALAWA ay nabasa natin sa pahayagang Daily Tribune ang pagtataas ng amilyar sa Maynila.
Ito po ‘yung buwis sa real properties.
Ibang klase talaga itong bagong administrasyon ni Erap?!
Wala pang nagagawang SERBISYO ‘e NAGTATAAS na ng BUWIS?!
Samantala si Mayor Fred Lim, anim na taon na nakaupo ‘e hindi naisipang magtaas ng amilyar.
E bakit noong nangangampanya sina Erap, hindi nila sinabing magtataas sila ng buwis?!
Ang lagi nilang sinasabi, sila raw ay para sa mahirap.
Kaya naman pala pag-upong pag-upo ‘e, dinoble ng HAWKERS ang tiket at tara sa mga vendor at ganoon din sa mga parking.
Alam ba ni Erap na 80 porsiyento ng mga nagbubuwis sa Maynila ay mga residente?!
Bakit hindi ang mga establisyementong pagmamay-ari ng mga kaibigan ni Erap na Chinese businessmen ang taasan ng buwis?!
Sabi nga ni PNoy, 63 percent sa kanila ay hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Bakit hindi iyon ang ipursige ni Erap?!
Ang magbayad nang tamang buwis ang kanyang mga supporter na Chinese businessmen?!
Para ba talaga sa mahirap si ERAP o kasama siya siya sa nagpapahirap?
Saltong-salto talaga ‘yang SLOGAN mo Erap!
PAGBATI SA IKA-61 TAON NG NATIONAL PRESS CLUB (NPC) BILANG INSTITUSYON
SA edad na 61, sertipikadong ang National Press Club (NPC) ang pinakamatanda at kauna-unahang organisasyon ng mga mamamahayag sa bansa.
Hangad po natin ang isang makabuluhang pagdiriwang hindi lamang para sa buong organisasyon kundi sa bawat indibidwal na naniniwalang ang NPC ay isang institusyon sa kanyang kinalalagyan at narating ngayon.
Tandaan po natin na ang lakas ng organisasyon ay nakasalalay sa kanyang miyembro, at hindi lamang sa mga lider.
Aanhin natin ang isang organisasyon na mayroong pagkalaki-laking ulo pero wala namang paa?!
Sabi nga ni Vince Lombardi – “The achievements of an organization are the results of the combined effort of each individual.”
Muli, isang makabuluhang pagdiriwang.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com