Sinuportahan ni dating congressman Pastor “Jun” Alcover ng ANAD Party-List ang mabilis na pagpoproklama kay Senior Citizens Party-list first nominee Godofredo Arquiza at tinuligsa ang hindi pagtalima ni Comelec Chairman Sixto Brillantes sa utos ng Supreme Court (SC) na iproklama ang dalawang nagwaging kinatawan ng mga nakatatanda.
Mismong sa kanyang facebook account ay tinuligsa ni Alcover ang “sobrang init”ni Brillantes sa ANAD at Senior Citizens Party-List kung saan inilarawan niya na ang dalawang grupo lamang ang nagbunyag sa korupsiyon ni Brillantes sa Comelec.
Matatandaang si Alcover ang nagbigay ng pahayag sa print media na mas mabuti kay Brillantes na ikulong sa isang “mental hospital” sa tindi ng galit sa tagapangulo ng Comelec.
Bukod kay Alcover, pangunahing tagasuporta at madalas din dumalaw kay Arquiza ang wanted ngayon na si dating congressman Jovito Palparan, Jr., ng Bantay Party-list.
Nabatid na hindi rin nagustuhan ni Palparan ang pag-aresto ng pulisya kamakailan kay Arquiza sanhi ng kasong libelo sa isang korte sa Batangas City dahil sa pahayag na may sindikato si Brillantes sa Comelec.
Kaugnay nito, ibinunyag ng isang grupo ng nakatatanda na hindi lehitimong miyembro ng isang party-list si Arquiza kaya hindi ito dapat iproklama ng Comelec.
Ayon kay Gloria Victoria, 65, lider ng mga nakatatanda sa New Havens Village, Novaliches, Quezon City, hindi dapat naging nominee ng Senior Citizens Party-list si Arquiza dahil hindi siya miyembro ng anumang samahan ng nakatatanda kundi legal counsel lamang ng Senior Citizens Party-list.
“Pati ang ipinagmamalaki niyang Ang Tinig ng Senior Citizens ng Pilipinas Inc. Welfare Fund Foundation ay isa lamang newsletter at hindi bukas sa lahat ng nakatatanda kundi sa kanyang pamilya lamang,” ani Victoria.
“Kaya nagulo ang party-list namin kasi personal na interes ang pinamayani ni Arquiza. Ang dapat nga, kasuhan siya ng plunder dahil ang tagal niya sa Kongreso pero wala kaming napala sa pork barrel para sa senior citizens.”