INULAT ng Philippine National Police (PNP) na umabot na sa 22 ang naitalang namatay kaugnay sa nationwide barangay elections.
Sinabi ni PNP spokesperson Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, hanggang 11 p.m. nitong Linggo, bisperas ng halalan, nakapagtala ng 54 insidente ng election-related violence.
Sa nasabing bilang ay 22 ang napatay sa politically motivated violent incidents.
RETRATONG NAKIKIPAG-SEX NG LADY CANDIDATE IPINAKALAT SA DAVAO
AMINADO ang isang babaeng kandidato sa halalang pambarangay sa Davao City na siya ang nasa eskandalosong larawan na kumakalat.
Batay sa nasabing larawan, nakikipagtalik ang babae sa isang lalaki.
Ang nasabing babae ay kumakandidatong barangay kagawad sa Barangay 10-A Poblacion.
Ang itinuturong suspek ng biktima na nagpakalat ng eskandalosong larawan ay ang lalaki na kanyang katalik na kumakandidato naman barangay kapitan sa kabilang barangay.
161 PASAY CITY JAIL INMATES ‘DI NAKABOTO
HINDI nakaboto ang 161 bilanggo sa Pasay City Jail sa barangay election kahapon.
Base sa talaan ng Bueau of Jail Management Penology (BJMP) ng Pasay City Jail, nasa 139 lalaki at 22 babaeng preso ang dapat bumoto sa araw ng barangay election ngunit hindi natupad ang karapatan nilang makaboto.
Ayon kay JO1 Ester Mae Sustuido ng Inmate Welfare and Development Section ng Pasay City Jail, hiniling nila sa hukuman noong Oktubre 22 na pahintulutan makaboto ang mga bilanggo sa barangay election.
Ngunit sa resolusyon na ipinalabas noong Oktubre 24 ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Racquelyn Vaquez ng Branch 116, hindi niya pinagbigyan ang hiling ng Pasay City Jail.
Ikinatwiran ng hukuman na hindi maaaring makalabas ang mga bilanggo dahil delikado.
Sinabi pa ng hukuman na kailangan magkaroon ng special polling place sa loob ng piitan upang makaboto ang inmates ngunit kapos na sa panahon upang gawin ito.
(JAJA GARCIA)
LOLA KALABOSO SA VOTE BUYING
KALABOSO ang 67-anyos lola na nahuli sa aktong namimili ng boto para sa isang barangay kagawad kahapon sa Brgy. Rosario, Pasig City.
Alibi ng matanda, isa siyang purok leader ng kanilang lugar at ina-asikaso lamang niya ang mga dokumento.
Gayunman, dinala ang matanda na hindi pinangalanan, sa Pasig City Police Station para sa imbestigasyon.
Dinakip ang suspek dakong 8:15 a.m. ng isang barangay tanod dahil bumibili ng boto sa halagang P800 kada ulo.
Nauna rito, isang 33-anyos babae ang kusang loob na sumuko sa mga awtoridad dahil sa pagbebenta ng boto sa halagang P200 kada ulo nang hindi masikmurang ibenta ang boto ng kanyang mga kaanak.
Ayon kay Liezel Medina, pinapirma sila sa isang papel na inihatid sa kanilang bahay at sinabihang iboto ang isang kandidato.
Isinuko ni Medina pulisya ang plastic pouch na may lamang P1,200 para sa anim
niyang kaanak. Iniimbestigahan pa ng pulisya ang nasabing insidente. (ED MORENO)
WANTED PERSON HULI MATAPOS BUMOTO
LAOAG CITY – Isang wanted person ang inaresto ng mga kasapi ng PNP Laoag sa polling precinct ng Plaridel Elementary School sa lungsod ng Laoag.
Kinilala ang suspek na si Jonathan Marcos, 38, may asawa, at residente ng Brgy. 29, Laoag City.
Si Marcos ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Francisco Quilala ng RTC Branch 14 sa Laoag City dahil sa kinakaharap na kaso hinggil sa paglabag ng anti-cattle rustling law. Inirekomenda naman ang P36,000 piyansa ng suspek para sa pansamantalang kalayaan.
Inamin ng suspek na alam niyang may kaso siyang kinakaharap hinggil sa kanyang partisipasyon sa pagnanakaw ng baka. Si Marcos ay inaresto matapos bomoto sa Plaridel Elementary School. (BETH JULIAN)
MISTER NG RE-ELECTIONIST CHAIRMAN, BINOGA PATAY
PINAGBABARIL hanggang mapatay ang mister ng isang re-electionist barangay captain sa Anibongon, Jaro, Leyte kahapon. Papunta sana sa polling precinct para bumoto ang biktimang si Pablo Volcan nang harangin ng suspek at pinaputukan.
Sa inisyal na imbestigasyon, itinuturong suspek sa pamamaslang ang asawa ng katunggali ng kanyang misis. Nabatid na tumatakbong muli sa pagka-barangay chairman ang asawa ng biktima. (BETH JULIAN)