PANGUNGUNAHAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagboto ngayon ng 54,051,626 registered voters na maghahalal ng mga magiging pinuno sa kani-kanilang barangay sa buong bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr., aagahan ni Pangulong Aquino ang pagboto sa Tarlac upang i-monitor ang barangay elections sa buong maghapon.
“Katulad ng kaugalian at ginawa niya noong 2013 midterm elections noong Mayo, ang Pangulo ay boboto sa kanyang distrito sa lalawigan ng Tarlac bukas ng umaga,” ani Coloma kahapon.
Tiniyak ni Coloma na nakakalat ang buong pwersa ng Public Attorney’s Office (PAO) na umaabot sa 1,500 abogado at 900 empleyado sa buong Filipinas, upang tulungan at suportahan ang mga titser na magsisilbing election inspectors ngayon.
Kaugnay nito, ipinauubaya ng Palasyo kay Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Mujiv Hataman at sa Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng kaukulang hakbang sakaling magkulang ang mga gurong gaganap sa election duties bunsod ng problema sa seguridad. (ROSE NOVENARIO)