NAKATAKDANG talakayin sa unang linggo ng Nobyembre ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang usapin kaugnay sa kahilingan ng Department of Justice na kanselahin ang pasaporte ng 37 katao, kabilang ang ilang mambabatas na sangkot sa kontrobersyal na “pork barrel” fund scam.
Kaugnay nito, kinompirma ni DFA spokesperson Raul Hernandez na kanila nang napadalhan ng notice ang ilan sa mga sangkot para hilingin ang kanilang panig.
Ayon sa opisyal, mayroong limang araw ang mga akusado para magsumite ng written comment.
“We have given them five days after the notice, dapat magbigay ng written comment… After that we will convene para pag-usapan at tingnan ‘yung merits ng report ng DoJ sa 37 individuals,” ayon kay Asec. Hernandez.
Kabilang sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Juan Ponce-Enrile, at Sen. Bong Revilla na una nang sinampahan ng kasong plunder kaugnay ng eskandalo.
“Batay sa sulat ng DoJ, mayroon pong direktang relasyon ang national security at ang isyu ng korupsyon. Ang korupsyon ay isang national security concerns, so, titingnan po natin ito. Pero bago iyon, kailangan marinig muna natin ang panig ng mga sangkot,” dagdag ni Hernandez. (HNT)