BACARRA, Ilocos Norte – Patay ang aktibong pangulo ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) Ilocos Norte-Chapter, at kasaluluyang propesor ng isang unibersidad, at ang kanyang kapatid habang malubhang nasugatan ang isa pang propesor na kasama nila makaraang bumangga sa poste ng transmission lines ang sinasakyan nilang kotse sa national highway ng Brgy. 7 kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Chief Inspector Randy C. Baoit, hepe ng pulisya, ang mga biktimang si Basilio Jesus Ranchez, 47, walang asawa, propesor ng Mariano Marcos State University sa Laoag City, at kapatid niyang si John Marnel Ranchez, 34, kapwa residente ng Brgy. 34, Cadaratan, sa bayan ng Bacarra.
Si Basilio Jesus ay kasalukuyan din vice president ng Citizens Movement Against Crime, Corruption, Illegal Drugs and Gambling, Inc. (Ilocos Norte-Chapter) na pinamumunuan ni Prof. Salvador Singson-De Guzman, at pinamumunuan ang ALAM Party-list sa Ilocos Norte, na ang national chairman ay si Jerry Yap, publisher ng Hataw at dating presidente rin ng National Press Club.
Sugatan naman si Eugene Ramos, 28-anyos, propesor din sa Don Mariano Marcos State University sa Laoag City.
Ayon sa mga testigo, ang tatlong biktima ay nakasakay sa kotseng minamaneho ni John Marnel dakong 6 a.m. kamakalawa nang biglang may lumusot sa kanilang sasakyan pagkatapos ay sinaraduhan ang kanilang dinaanan.
Kinabig ng driver ang kotse sa kaliwang bahagi ng kalsada upang lumusot din ngunit nawalan ng kontrol sa manibela si John Marnel at bumangga ang kotse sa poste.
(JAIME AQUINO)