LIMANG pulis kabilang ang apat na pawang mga bagito, ang ipinaaresto ng kanilang opisyal matapos ireklamo ng pangingikil ng isang negosyante kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Agad ipinag-utos ni Sr. Supt. Severino Abad, hepe ng Malabon Police, na arestohin, disarmahan at sampahan ng kaso ang mga pulis na sina POs1 Chistopher Tesio, Renato Flores, Jr., Alfie Mariano, Adan Christian Taytay, at PO3 Dennis Lanot, pawang nakatalaga sa Compac City Police Unit.
Base sa reklamo ng negosyanteng si Jose Ballesteros, dakong 11 p.m. kamakalawa nang sitahin siya ni Taytay makaraang bumaba ng pampasaherong jeep galing sa pakikipag-inoman sa kanyang mga kaibigan.
Iniutos ni Taytay sa biktima na magpahinga muna sa nakaparadang tricycle na pag-aari naman ni PO3 Lanot, at kinuha ang halagang P4,200 cash at cellphone saka binitbit patungo sa community precinct at kinasuhan ng carnapping ng tricycle.
Nakiusap ang biktima dahil wala siyang ginagawang masama hanggang dumating ang mga kaanak na hiningan ng mga pulis ng P2,500 at wala na aniyang kaso si Ballesteros na napilitang magbigay upang makauwi na.
Nang makalaya sa mga pulis ay agad nagsampa ng reklamo ang biktima dahilan upang arestuhin ang mga suspek.
(ROMMEL SALES)