PATAY ang dalawang magkapatid na paslit sa naganap na sunog sa Makati City kahapon ng madaling-araw at natupok ang kabahayan ng mahigit 2,000 pamilya.
Ang magkapatid na sina Rose Ann Ariola, 6, at Robert Ariola, 4, ay unang napaulat na nawawala. Ang kanilang tupok na bangkay ay natagpuan sa ikalawang palapag ng kanilang bahay na gumuho bunsod ng sunog.
Ang sunog ay nagsimula kahapon ng madaling-araw sa Brgy. Cembo. Dahil ang mga kabahayan ay pawang yari sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy na umabot hanggang sa San Jose St., sa Guadalupe Nuevo.
Tinatayang 500 kabahayan ang natupok at 2,000 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Karamihan sa mga apektado ng sunog ay pansamantalang nanuluyan sa kalapit na mga paaralan habang ang ilan ay nanatili sa tabi ng kalsada ng J.P. Rizal Extension.
Ayon sa Makati Fire Department, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Aida Ampong na sinasabing nagkaroon ng pag-aaway.
Umabot ang sunog sa general alarm at naapula dakong 3:10 a.m. kahapon.
Bukod sa dalawang namatay, tatlo katao pa ang nasugatan sa insidente.
(JAJA GARCIA)