“This act of atrocity has no place in a civilized society, more so with the use of land mines which has long been prohibited under international covenants. The provincial government of Cotabato under its present administration has not failed in its peace initiatives and has long geared its efforts toward achieving a lasting peace for the people of the province.”
Ito ang mga katagang binitawan ng gobernador ng Cotabato na si Gov. Emmylou Taliño-Mendoza sa ginawang pag-atake at pagpapasabog ng land mines ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Tulunan, North Cotabato.
Kinondena rin ng Armed Forces of the Philipines (AFP) ang isinagawang pag-atake pati na rin ang paggamit ng mga improvised explosive devices (IEDs) ng NPA na nagresulta hindi lamang ng pagkamatay at pagkasugat ng mga sundalo sa North Cotabato, kundi paglalagay rin ng panganib sa buhay ng mga sibilyan na naroroon.
Ito ay isang paglabag hindi lamang sa ating batas kundi maging sa international law, kabilang na sa Convention on the Prohibition of the Use of Anti-Personnel Mines (Ottawa Treaty) kung saan ang Pilipinas ay isa sa mga bansang nagratipika nito.
***
Upang matiyak ang tapat, malinis, at mapayapang barangay eleksyon bukas, magtatalaga ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng 861 na sundalo sa Metro Manila upang mas lalong paigtingin ang pwersa ng Philippine National Police (PNP) na siyang mangunguna sa pagtiyak ng mapayapang eleksyon bukas.
Ito ay dahil na rin sa mga lugar sa Maynila na nasa election watchlist o hotspot. Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala, ang 861 na sundalo ay mula sa AFP Joint Task Force NCR (JYF-NCR), Philippine Army (PA), Philippine Air Force (PAF), at Philippine Navy (PN).
Sampung baranggay sa Metro Manila ang nakasama sa election hotspot ng National Capital Region Police Office (NCRPO). Kabilang na dito ang Baranggay 503 sa Maynila, Baranggay Pio del Pilar sa Makati, Baranggay Sto. Domingo sa Quezon City, Baranggay 587 sa Caloocan, Baranggay Maharlika sa Taguig, Baranggay Wawang Pulo sa Valenzuela, Baranggay Pineda sa Pasig, Baranggay Catmon sa Malabon, Baranggay Navotas West at Baranggay North Bay South sa Navotas.
Ang deployment ng mga sundalo ay magsisimula sa Oktubre 21 hanggang 30.
Maliban sa pagtiyak ng isang mapayapang eleksyon bukas, kabilang sa mga tungkulin ng ating kasundaluhan ang pagsasagawa ng check-points, pagpapatrol, pagtatayo ng Joint Security Assistance Desk, pagpapanatili ng seguridad sa 743 voting centers.
Ang mga sundalong ito ay dumaan at sumailalim sa pre-deployment lectures ukol sa legal na proseso ng mga gawaing may kinalaman sa eleksyon.
Ipagpapatuloy po ng inyong kasundaluhan ang pakikipagkoordina sa PNP sa pagsasagawa ng mga election security operation upang matiyak ang isang ligtas at mapayapang kapaligiran habang kayo po ay ipinamamalas ang inyong karapatang bumoto.
Bukas, sama-sama po nating iboboto ang mga kandidatong sa tingin natin ay mayroong mabuting hangarin para sa ating mga barangay. Kahit ang barangay ang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan, hindi ito dahilan upang mapalagay tayo na ilagay ang kung sinong pangalan lang.
Dapat nating isaisip na ang dapat nating ibotong kandidato ay ‘yung mayroon tapat na hangarin sa panunungkulan at handang magbigay ng malinis na serbisyo publiko. Huwag po nating ipagbili ang ating pribilehiyong makaboto. Pakatandaan natin na tayo ang magbibigay sa kanila ng kapangyarihan na tayo ay pamunuan kung kaya nararapat nating kilatisin mabuti ang ating mga ibobotong kandidato.
Kasama po ang inyong kasundaluhan sa mga taong tutulong at magtitiyak ng isang tahimik at mapayapang eleksyon ng mga mamumuno sa inyong baranggay bukas.
VOTE WISELY!
Gerry Zamudio