GUSTO na naman maging sentro ng usapan ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada kaya kinasabwat niya ang Manila City Council para magpasa ng resolution na humihingi ng tawad sa Hong Kong dahil sa 2010 Luneta hostage crisis.
Kesyo personal pa raw na ibibigay ni Erap ang kopya ng resolution sa Hong Kong para raw matuldukan na ang isyu.
Ang hakbang na ito ni Erap ay halata naman na sinadya upang kontrahin ang paninindigan ni Pangulong Benigno Aquino III sa hindi paghingi ng paumanhin sa Hong Kong dahil ang insidente ay hindi kasalanan ng ating bansa kundi kagagawan ng dating pulis-Maynila na si Rolando Mendoza, na sa panahong iyon ay wala sa tamang pag-iisip.
Sabi nga ng Pangulo, lahat naman ng kaukulang kaso ay isinampa na sa hukuman laban sa 10 opisyal ng pamahalaan bunsod ng “mishandled negotiation and rescue attempt.”
Nakapandidiri ang gimik na ito ni Erap na halata namang ang pakay niya ay makabuwelta sa administrasyong Aquino kaugnay ng kasong plunder na isinampa laban sa kanyang anak na si Sen. Jinggoy Estrada dahil sa P10-B pork barrel scam.
Bakit humihingi si Erap ng tawad sa insidente na wala naman siyang direktang kinalaman, imbes sa sambayanang Pilipino na kanyang pinagnakawan ng bilyon-bilyong piso sa loob ng mahigit dalawang taon niyang pagsasamantala sa puwesto bilang pangulo noon ng bansa?
DAPAT IBALIK NI ERAPANG NINAKAW NIYA
SA katunayan, matapos mahatulan si Erap ng guilty ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong noong 2007, hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nababayaran ang hukuman sa halagang P189.7 milyong judgment cost o mga ginasta ng hudikatura sa paglilitis sa kanyang asunto.
Kasama sa naging hatol ng Sandiganbayan kay Erap ay ang kautusang ibalik sa kaban ng bayan ang P545.3 milyon na tinanggap niya bilang jueteng payola na nakalagak sa investment management account na Jose Velarde sa Banco de Oro-Unibank Inc.
Ngunit, ayon sa ulat ng hukuman, ang nababawi pa lang ng pamahalaan ay ang P200 milyon sa P545.3 milyong jueteng payola mula sa Erap Muslim Youth Foundation, kasama ang P15-milyong interes.
Sigurado namang alam ni Erap at ng kanyang mga abogado na ang sakop lamang ng conditional pardon na iginawad sa kanya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay ang parusang ipinataw ng Sandiganbayan sa kanyang habambuhay na pagkabilanggo at hindi sa pagsasauli ng dinambong niyang pera ng bayan.
DISQUALIFIED SI MARINDUQUE REP. REGINA ONGSIAKO-REYES
KINATIGAN ng Korte Suprema kamakailan ang pagdiskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) bilang congressional bet kay Marinduque Rep. Regina Ongsiako-Reyes dahil siya’y American citizen.
“Ab initio,” ang ibig sabihin, sa umpisa pa lang, hindi kwalipikadong kandidato si Reyes kaya ang kanyang paglahok sa halalan ay walang bisa, pati na ang mga nakuha niyang boto at proklamasyon sa kanya bilang nagwaging congressional candidate ay balewala.
Kaya ang nakatunggali niya na kwalipikadong kandidato sa nasabing eleksiyon, na nakakuha ng pinakamaraming boto ang kinikilalang nanalo at iluluklok na kongresista ng Marinduque.
Ganito rin ang kinakaharap na disqualification case ni Erap bilang mayoralty bet ng Maynila na hanggang ngayon ay nakabinbin pa sa Korte Suprema.
Ipinadidiskuwalipika si Erap ni Atty. Alice Vidal bilang kandidatong alkalde batay sa Section 40 sa Local Government Code na nagbabawal sa sino mang nahatulan ng hukuman sa kasong may kinalaman sa moral turpitude na nabilanggo nang mula isang taon pataas na kumandidato sa ano mang posisyon sa lokal na pamahalaan.
Ang pandarambong ay malinaw na gawaing kriminal na labag sa pamantayan ng lipunan o moral turpitude at si Erap ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong ito.
Ang Section 40 ng Local Government Code ang naging batayan ng Comelec sa pagdiskuwalipika kay convicted child rapist Romeo Jalosjos bilang local candidate noong nakaraang halalan.
Kasama rin sa naging basehan ni Vidal sa isinampang disqualification case laban kay Erap ang Section 2 ng Revised Penal Code na nagsasaad na dapat ay malinaw na nakasaad sa iginawad na pardon sa sino mang kriminal na ibinabalik ang kanyang karapatan na humawak ng posisyon sa gobyerno at bumoto.
Hindi ito nakalagay sa conditional pardon na ibinigay ni Arroyo kay Estrada, bagkus ay binigyang-diin pa nga na nangako si Erap na hindi na muling kakandidato pa sa ano mang puwesto sa pamahalaan.
Alam ni Erap na ‘may tulog siya’ sa kinakaharap na disqualification case, at maging ang anak na si Jinggoy ay magbabalik-kulungan dahil sa pandarambong sa kanyang daan-daang milyong pork barrel, kaya todo ang pag-iisip at paggawa niya ng gimik para kulapulan ang kredibilidad ng administrasyong Aquino.
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid