HINDI natin masisi kung natuon ang atensiyon ng national government sa Bohol at Cebu ngayon na sinalanta ng malakas na lindol noong isang linggo. Pero hindi naman dapat kalimutan ang mga kababayan nating isinadlak din sa hirap at kadiliman ng nagdaang bagyong Santi. Para sa kinauukulan, kailangang-kailangan pa rin po ng suporta ng pamahalaan at mga NGOs ang maraming bayan doon sa aming probinsiya. Noong umuwi ako nitong weekend sa Cabiao, naranasan ko kung gaano kahirap ang buhay ngayon doon. Halos ubos ang mga pananim dahil ayon kay Mayor Gloria Congco, sa 4,700 ektaryang lupang pang agrikultura, 4,300 ang naapektohan ng malakas na hangin ni Santi. Hanggang ngayon ay wala pa rin koryente sa amin ganoon din sa iba pang bayan sa probinsiya.
Hindi na magkandatuto ang local electric cooperative doon kung paano ibabalik ang elektrisidad ngunit ayon sa alkalde, ipinangako na sa kanila na agad aayusin ang problema ng Nueva Ecija Electric Cooperative (NEECO).
Isang linggo matapos ang pagsagupa ng bagyo, kalunos-lunos pa rin ang tanawin doon. Halos walang punong natirang nakatayo bukod sa mga puno ng niyog. Mula pinakamaliit hanggang pinakamataas na puno ng mangga ay binunot ni Santi. Isang negosyante na nag-invest ng P7 milyon sa isang mango plantation ay naubos. Tila dinaanan ng isang higanteng suklay ang mga bukirin at taniman. Para bang sinabuyan ng pomada at saka inararo kaya naman panty-pantay at sa iisang direksiyon ang pagkakahiga ng mga puno.
Ayon kay Congco, pinangangambahan ngayon ang malawakang pagkagutom sa naturang bayan at sa iba pang apektado ni Santi. Lanos ang mga palayan at bihira ang malinis na inuming tubig. Saan nga ba kukuha ng pagkain araw-araw ang mga magsasaka sa amin?
Sa ngayon umaasa lang ang marami sa mga gasoline generator para magkaroon ng liwanag sa gabi. Ang mga cellphone naman kapag kailangan i-charge ay magbabayad ng P20 kada oras.
Wala pang malinaw na sagot kung hanggang kailan tatagal ang sitwasyong ganito. Sana na lang mapansin ng pamahalaang P-Noy ang Nueva Ecija at huwag hayaang matabunan ng iba pang problema.
Samantala, dapat gayahin ng bawat Novo Ecijano ang puno ng niyog. Matibay, matatag at nanatiling nakatayo matapos ang delubyo.
Joel M. Sy Egco