MALAPIT na palang maayos ang tinatawag na Framework Agreement between the Philippines and the United States on Enhanced Defense Cooperation and Rotational Presence.
Ganoon ba? Ayos kung magkaganoon man. Magkakasundo na rin sa wakas ‘pag nagkataon. Stop, look and listen na lang muna tayo my beloved Filipinos.
Wika nga ng punong-negosyador ng bansa, nakatutok na lamang sila (pati ang kanilang American counterparts) sa limang importanteng probisyon ng tinatawag na “Framework Agreement.
Sandali na lamang pala ito — nawa’y magkaroon nga talaga ng magandang kasunduan o sana wala nang maging sagabal sa tinututukang limang importanteng probisyon upang sa gayon ay tapos na ang usapan.
Sabi nga ni Defense Undersecretary Pio Lorenzo Batino, umaasa ang magkabilang-panig na ganap na magtutugma ang kanilang posisyon tungkol sa mga naturang probisyon sa itinatakda ng fifth round of talks.
Dagdag ni Batino na sesentro ang pag-uusap sa mga susunod nilang pag-upo sa negotiating table sa Articles II (Scope), IV (Agreed Installations/ AFP Facilities, VI (Prepositioning of Defense Equipment, Supplies and Materiel), VII (Ownership) at VIII (Security) ng framework agreement.
Naniniwala ang pinuno ng Philippine panel na magkakaroon na ng konklusyon ang binabalangkas na kasunduan, lalo’t pakikinabangan naman ito, aniya, ng Amerika at Filipinas.
May mga eksperto sa foreign relations at diplomacy ang kapwa pabor sa bansa at US kung maipatutupad ang kasunduan sa lalong madaling panahon.
Anila, kailangan ng US na muling ipadama ang presensiya sa South East Asia at Asia Pacific na napabayaan dahil sa pagtutok sa mga giyera sa Iraq at Afghanistan, habang pambara naman ng Filipinas ang pagsasapraktika ng kasunduan sa tahasang agresyon ng China sa West Philippine Sea.
Sa nangyaring dalawang araw na fourth round of talks sa Department of National Defense sa Camp Aguinaldo kamakailan, kapwa minabuti ng magkakaharap na negosyador ang pagkakaroon ng isang mekanismo para sa regular na bilateral consultations.
Ito ay para matiyak na magiging epektibo ang kasunduan sa lahat ng oras kapag ipinatutupad na ito.
Sa isang bagong sarbey ng gobyerno, lumalabas na pabor ang malaking bilang ng mamamayang Filipino sa pagpapatupad ng kasunduan.
Pangunahing rason nila ang walang puknat na agresyon ng China sa ilang teritoryo ng bansa. Kasama rin sa kanilang dahilan ang “maalab na pagmamahal sa Bayan.” May iilan naman na nagsabi na dahil type lang nila si Bruno Mars at Lady Gaga, at saka mahilig lang sila sa Hollywood movies.
Hawak ang masasandigang mga datos, kompiyansa ang isang mataas na opisyal ng Palasyo (na ayaw magpabanggit ng pangalan dahil hindi siya awtorisadong magsalita tungkol sa isyu) na suportado ng taong bayan ang kasunduan.
Jueteng ni Luding sa Baguio at La Trinidad, batid ng CIDG
Maraming bilib na bilib kay CIDG Director, Chief Supt. Uyami, dahil sa ipinadama niyang pagkasinsero sa pagsugpo ng jueteng sa bansa.
Simula nang maupo ang mama sa trono ng CIDG sa Kampo Crame, maraming nag-iyakang mga pulis-CIDG. Paktay daw kasi ang kanilang intelihensya este, ‘negosyo’ sa jueteng operators.
Oo dahil nga tablado ang lahat ng ilegal na sugal kay Uyami, tablado na rin ang intel ng mga tiwaling men and officers ng CIDG.
Kahit na gusto nilang kumuha ng intel ay hindi ubra dahil mahigpit si Uyami. Kaya ang mga nahuhuli ay sorry talaga sila sapagkat hindi nila kayang bilhin ang CIDG sa pamumuno ni Uyami.
Pero ano ito, bakit operasyon na raw ang jueteng sa Baguio City at La Trinidad, Benguet. Ipinagmamalaki ng kampo ni Luding na binigyan basbas daw sila ng CIDG na puwede na silang magpalaro. Gano’n ba?
Malamang na hindi si Uyami ang nagbigay basbas at sa halip ay ang mga nakapalibot na hunghang kay Uyami.
Pero ngayon batid na ni Uyami ang balik-operasyon ni Luding, tiyak na kanyang aaksyonan agad ito.
Almar Danguilan