INISNAB ng tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles at asawa niyang si Jaime ang pagdinig ng Department of Justice (DoJ) sa kasong tax evasion na kanilang kinakaharap.
Imbes personal na humarap sa pagdinig, tanging ang abogado ng mag-asawang Napoles na si Atty. Romeo Villar III ang sumipot sa DoJ.
Una nang pinadalhan ng subpoena ng DoJ ang mag-asawang Napoles upang harapin ang kasong kanilang kinakaharap ngunit hindi sila sumipot sa itinakdang petsa.
Gayonman, binigyan ni Senior Assistant State Prosecutor Edna Valenzuela at miyembro ng panel ng hanggang Nobyembre 5 ang kampo ni Napoles na magsumite ng kanilang counter-affidavit.
Kasalukuyang nakakulong sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna si Janet Napoles sa kinakaharap naman niyang kasong illegal detention, plunder at tax evasion.
(BETH JULIAN)
Sa SenadoPORK BARREL SCAM QUEEN PAHAHARAPIN SA NOB. 7
INILABAS na ng Senado ang subpoena para kay Janet Lim-Napoles, mastermind sa P10 billion pork barrel scam, upang paharapin sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa Nobyembre 7.
Batay sa subpoena na nilagdaan ni Senate President Franklin Drilon, si Napoles ay pahaharapin sa imbestigasyon ng komite dakong 10 a.m. sa Senate Hall.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee chairman, Sen. Teofisto Guingona III, ang subpoena ay isisilbi ng Senate Sergeant at Arms kay Napoles.
Magpapaalam muna sa Makati RTC na siyang may hurisdiksyon sa kinakaharap na kaso ng pork barrel queen.
Umaasa naman si Guingona na hindi bibiguin ng korte ang Senado para payagan na dumalo sa imbestigasyon si Napoles.
Inaasahan din na magharap-harap sina Napoles at mga whistleblower dahil pinadadalo rin sila sa Nobyembre 7.
Nabatid na si Napoles at sina Senators Jinggoy Estrada, Juan Ponce-Enrile, Ramon “Bong” Revilla, Jr., ay sinampahan na ng kasong plunder sa Ombudsman matapos masangkot ang kanilang pangalan sa sinasabing paglustay ng PDAF.
(CYNTHIA MARTIN/
NIÑO ACLAN)