NAGLALAKIHANG bonuses at “bonus – DAP” ang masalimuot na isyu ngayong panahon ni Mr. Tuwid Na Daan (daw).
Sa kabila ng kahirapan, nand’yan ang isyu ng milyon-milyong bonuses sa mga opisyal ng SSS. Tig-isang milyong piso mula sa kontribusyon ng milyong miyembro ng ahensya. At nandyan din iyong bonus para sa mga mambabatas hinggil sa pagkakasibak kay dating Chief Justice Renato Corona.
Lamang, pinabulaanan ng Palasyo ang hinggil sa bonus para sa mga mambabatas kaugnay sa Corona sibakisasyon.
Hindi raw bonus iyon sabi ng Palasyo. E ano iyong mga pahabol na pondo para sa mga mambabatas sa Senado? Iyong DAP. Ano pa man ang palusot ng Palasyo, buko na sila. Kaya pinatigil na ni PNoy ang DAP. Pero sabi ni PNoy legal ang DAP. Alangan naman amining ilegal ang DAP.
Bonuses – uso rin ito sa Social Security System (SSS). Pinaghati-hatian na ang kontribusyon ng mga miyembro este, hindi naman kundi deserving daw ang mga opisyal o top brass ng SSS sa naturang bonus…e ang mga miyembro, hindi ba deserving?
Kung mayroon bonus isyu sa SSS, mayroon din pala sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kaya hayun nananawagan kay PNoy ang mga kawani rito na linisin ang waterworks sa pamamagitan ng pagsibak sa ilang opisyal ng MWSS na patuloy sa pagtanggap ng malalaking bonuses habang ang maliit na kawani ay nagdurusa sa maliit na suweldo at allowances.
Bukod nga sa maliit na suweldo nakararanas pa ng patuloy na harassment ang union members bunsod ng pagsasampa nila ng 11 counts graft charges laban kay MWSS administrator Gerardo Esquivel.
Aba’y magulo rin pala sa MWSS tulad ng SSS dahil sa bonuses bukod sa bulok pa raw ang pamamalakad ng ilang nakaupong opisyal ng ahensya.
E ano naman itong balita patungkol kay Ginoong Sam Cruz, regulatory office head para sa financial regulation. Totoo kayang nagbitiw na si Cruz? Bakit kaya? Ano kayang problema sa MWSS? Heto lang naman kung totoong nagkakagulo sa MWSS at kung totoong nag-resign na si Cruz.
Pero sabi, bago nag-resign si Cruz ay … totoo bang nauna na nang nagbitiw si Chairman Dondi? Ano ito, isa bang indikasyon na bulok ang kasalukuyang sistema ng MWSS ngayon? Well, hindi naman siguro magulo sa MWSS…pero gaano kaya ito katotoo? Oo… na tatlong opisina lang naman raw ang hinahawakan ngayon ni Esquivel sa ahensya. Ha! Wow, hindi suwapang ang ganyang opisyal kundi masipag. Ha ha ha … siya na nga raw ang Acting Chairman, siya pa raw ang Vice Chairman at pangatlo ay administrator. Totoo ba ito? Galing naman ni Esquivel. Very talented at magaling. Hanep ano, mukhang nasa kanya na ang lahat ng pagpapala. Wala na bang iba diyan sa MWSS. Wala bang kasinggaling si Esquivel?
Anyway, heto lang naman ay kung totoong tatlong opisina ang hawak ni Esquivel sa ‘tubigan.’
Ano pa man, naguguluhan na ang mga kawani ng MWSS sa mga namumuno ngayon sa ahensya. Dahil sa pagkalito ay naaapektohan ang lahat – nand’yan iyong napupurnada ang Public-Private Partnership (PPP) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy.
Sa kabilang dako, nitong nakaraang buwan ibinaba ng Regulatory Office ang singil sa tubig ng dalawang water concessionaires dahilan para maapektohan ang mga proyekto pa ng mga water company na mas magsisiguro sana sa malinis na tubig na maiinom.
Dahil dito, tila mayroon hidden agenda ang MWSS kaya okey lang sa ahensya na tanggalin ang mga proyekto ng dalawang water firm na malalagay
sa balag ng alanganin ang serbisyo ng dalawang kompanya ng tubigan.
PNoy…Pnoy, dapat siguro na inyong ‘pakialaman’ ngayon ang MWSS. Tila nagkakagulo yata ngayon sa ahensya. Ang ilang opisyal yata ay pansariling interes lang ang nalalaman.
Nasaan na ang tuwid na daan mo – Pangulong Noynoy “Tuwid”?
Almar Danguilan