POSIBLENG si Senate President Franklin Drillon ang pag-asa ni “pork barrel scam queen” Janet Napoles upang huwag madiin nang todo-todo sa kanyang kaugnayan bilang ‘utak’ ng P10-billion pork barrel fund kasabwat ang ilang mambabatas at opisyal ng pamahalaan.
Kaya’t sa paglutang sa Senado ngayon linggo (kung lulutang nga) ni Napoles ay tiyak na magiging malakas ang bulong-bulungan kung magkakaroon ng laglagan o takipan.
Lamang, hindi kasi nakatitiyak si Drillon kung makukuha pa niya ang loob ni Napoles na huwag siyang ilaglag sakaling pagbigyan niya ang Senate hearing.
Nais mang protektahan ni Drillon si Napoles upang huwag sumingaw kung hanggang saan ang lalim ng kanilang samahan pati ng kanilang pamilya ay napilitan siyang magpadala ng subpoena sa scam queen sapagkat nagigipit na siya.
Sakaling nakapag-isip-isip si Napoles, tiyak na ilalaglag niya ang mga taong naunang itinanggi o itinatwa siya upang iligtas lang ang kanilang mga sarili. Isa na nga rito si Drillon.
Malaki-laki tiyak ang perang pinakawalan ni Napoles para sa kampanya ng mga taong nasa panig ng administrasyon kung kaya’t nakakuha siya ng mga kontrata sa iba-ibang tanggapan sa pamahalaan.
Pero hindi naman nagpabaya si Napoles at naghain ng magandang komisyon sa mga pinakinabangan niya kaya’t dapat ay hindi siya hinayaang harapin mag-isa ang kanyang problema.
Kaya nga kaabang-abang ang testimonya ni Napoles sa Senado bagaman sinalag na kaagad ng kanyang abogadong si Atty. Lorna Kapunan ang posibleng maging atake sa kanyang kliyente na si Napoles.
Inihayag na kaagad ng matikas na abogada na ang kliyente niya ay hindi ilalaglag o ipapahamak ang sarili kung kaya’t “she would invoke her right against self-incrimination when she testifies.”
E ‘di parang sinabi ni Kapunan na walang mapapala ang Senado kay Napoles bagaman dumalo siya sa patawag na imbestigasyon ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon committee.
Patigasan na lang kaya ang Senado at si Napoles? Malaman kung sino ang bida at matatag sa dalawa.
Baka nga hindi matinag si Napoles dahil batid niyang may kasangga siya sa Senado, Kongreso at maging sa iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Alvin Feliciano