SINO ang magsasabing hindi magkakilala
si Sen. Jinggoy Estrada at ang tinaguriang “pork scam queen” na si Janet Napoles kung binili
ni Napoles ang lote ng naturang senador sa Quezon City?
Naulat na ayon kay Marina Sula, dating empleyada ni Napoles na naging whistleblower,
ang biniling lote ay matatagpuan daw sa
kanto ng Edsa at P. Tuazon sa Cubao. Nasa pagitan daw ito ng isang tindahan ng motorsiklo at “pizza warehouse.”
Hindi tuloy maiwasang punahin ng iba na mukhang mag-best friends nga sina Jinggoy at
Napoles at sadyang nagkakatransaksyon sila
noon pa man. Hindi ba’t may mga larawan na
maging sa pagdiriwang ay magkasama ang
dalawa?
Bagama’t may mga property na raw si Napoles noon, kaliwa’t kanan pa rin ang ginawang pagbili nito sa kanyang assets mula nang makuha ang P900-milyon Malampaya fund noong 2009. Ito ang ibinunyag ni Benhur Luy, isang kaanak ni Napoles na dati ring naglingkod sa kanya nguni’t ngayon ay whistleblower.
Masaklap mang tanggapin pero ang pondo ng Malampaya ay nakalaan para sa mga
biktima ng bagyo. Mantakin ninyong may
buwaya palang umagaw at nambulsa sa pondong ito?
Si Luy din ang unang nagbunyag na si Napoles ang utak ng pangloloko sa gobyerno, sa
pamamagitan ng paglilipat ng priority
development assistance fund (PDAF) o pork barrel ng
ilang mambabatas na nagkakahalaga ng P10
bilyon, sa mga pekeng nongovernment organization (NGO) na kanya ring binuo.
Mantakin ninyong aabot umano sa P5 bilyon ang halaga ng property ni Napoles.
Mayroon daw itong 70 bahay at condominium units. Ang 50 sa mga ito ay nailipat sa JLN Corp., JCLN Real Estate Development Consortium Inc., JCLN Global Properties and Development Corp., RLG Solutions at La Roca Enterprises na si Napoles din daw ang nagpapatakbo.
Mayroon daw itong anim na property sa Makati kabilang na ang tatlong mamahaling
units sa Ayala Avenue na nagkakahalaga
ng P350 milyon; 10 units sa Discovery Center sa Ortigas, Pasig na nagkakahalaga ng P300
milyon; malalaking lupa sa Bulacan na
may halagang P30.5 milyon; isang lupa sa BF Parañaque na nagkakahalaga ng P35 milyon; at 58 loteng “estate and lawn” sa Heritage Park na mayhalagang P30 milyon sa may libingan ng kanyang ina.
May 45 sasakyan din umano si Napoles na kinabibilangan ng Mercedes Benz, Chevrolet
Tahoe, Lincoln Navigator, Hummer, Cayenne Porsche, Range Rover model 2010, Ford
Expedition, Toyota Land Cruiser, Toyota
Fortuner, at Mitsubishi Pajero.
Sa Amerika ay inurong daw noong Setyembre 23 ang pagbebenta ng Ritz Carlton unit sa
Los Angeles na pag-aari ng magarbong
anak ni Napoles na si Jeane, na unang inalok sa halagang $1.475 milyon. May babala raw sa buyers na ang Napoles properties ay nabili sa iligal na paraan.
Sa mga Napoles din ang Anaheim Express Inn na may halagang $7 milyon; bahay sa pangmayamang Canyon View sa Irvine na nagkakahalaga ng $1.4 milyon; at property sa Los Angeles County sa Covin.
Si Jeane Napoles na may kasong tax evasion ay umalis sa Ritz Carlton noong Agosto na
dala ang kanyang mga gamit, mga mare at
pare ko, at hindi raw alam kung saan nagtatago.
Manmanan!
Ruther Batuigas