NALIMAS ang mahigit P.2 milyong halaga ng mga makabagong electronic gadgets sa tanggapan ng isang Korean national matapos pasukin ng mga kawatan kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Natuklasan ni John Kim, 31, residente ng 145-B Elysium, BF Homes, ang panloloob nang ipabatid sa kanya ng empleyadong si Cindy Laine Sial, 26, na siyang unang nagbubukas ng tanggapan pasado 9:00 ng umaga.
Sa imbestigasyon nina SPO1 Christopher Mamigo at PO2 Bernardo Catalan ng Investigation and Detective Management Section ng Paraña-que police, sa likurang bahagi ng Star Finder Office na nasa 366 Unit-A El Grande, BF Homes pumasok ang mga suspek matapos baklasin ang sliding window.
Kabilang sa mga nakulimbat ang mga laptop, netbook, pocket wifi, cellphone, LCD monitor at hard drive na may kabuuang halagang P253,400.
Kilala na ng pulisya ang mga suspek matapos mai-record ng nakakabit na close circuit television camera (CCTV) ang pagnanakaw at tinutugis na ng mga kawatan.
(JAJA GARCIA)