KAMAKALAWA, bagamat nabastos na ang National Press Club (NPC) Grounds dahil sa kalapastangan ng tatlong pulis, binigo naman natin ang kanilang intensiyon na arestohin ang inyong lingkod at dalawa pang katoto na sina Edwin Alcala at Gloria Galuno.
Ang pag-aresto po ay kaugnay ng kasong LIBEL na inihain ng isang Sr/Insp. Rosalino Ibay, Jr.
Na-raffle daw po ito nitong Lunes (Oktubre 14) ng umaga. At noong Miyerkoles (Oktubre 16) ay nag-follow-up ang complainant kaya nitong Huwebes (Oktubre 17) kami ay naisyuhan ng warrant of arrest.
Pagkalabas ng warrant of arrest agad itong ipinasilbi sa city hall detachment police (meron pa palang gano’n? Akala natin ay ipinag-utos na ng NCRPO na buwagin na ang mga city hall detachment at SOGs?) na pinangunahan ni Insp. Manuel Laderas kasama sina SPO1 Nicanor Zablan at PO3 Salvador Chavez.
Ayon sa ating INFORMANT, isang opisyal daw sa 2nd floor ng Manila City Hall ang nagbigay ng ‘GO SIGNAL’ sa mga pulis na ihain ang warrant of arrest sa inyong lingkod at kina katotong Edwin at Gloria.
Kaya batay sa ipinahiram na ‘tapang’ at ‘kapal ng mukha’ ng kanilang bossing sa 2nd floor ng Manila city hall, sumugod sina Laderas, Zablan at Chavez sa NPC Grounds nang wala man lang wastong pakikipag-ugnayan sa National Press Club.
Sumugod ang tatlong kamoteng pulis dahil hindi raw nila alam na mayroon palang Memorandum of Agreement (MOA) ang NPC, PNP at DILG kaugnay sa pag-aresto ng isang mamamahayag lalo na kung ang kaso ay may kaugnayan sa pagganap ng tungkulin.
Sumugod ang tatlong pulis na hindi naiintindihan na ang NPC Grounds ay tinatawag na “bastion of freedom” para sa mga mamamahayag at sa mga freedom fighters na nakaranas ng pandarahas sa mga tao o ahensiyang nasa kapangyarihan.
Kaya kahapon, kami ay naghain ng piyansa para sa aming pansamantalang kalayaan sa sala ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 16 Judge Janice R. Yulo-Antero.
Kahapon din ng umaga, naghain na rin po ang aming abogado ng “Motion for Judicial Determination of Probable Cause” dahil sa kwestiyonableng pagkakaakyat ng piskalya sa nasabing kaso sa RTC.
Sa mga pangyayaring ‘yan, gusto natin bigyan-diin SORRY S/Insp. Risalino Ibay, Jr., nabigo ang iyong layunin na kami ay ikulong sa rehas na bakal kahit isang gabi man lang.
BETTER LUCK NEXT TIME, KUPITAN este KAPITAN!
VIDEO KARERA LANG BA ANG KAYANG DURUGIN NG MASO NI MAYOR OCA?
(E how about JUETENG ni Tony Bulok Santos)
NAKITA natin kung paano durugin ng maso ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang mga demonyong makina ng video karera.
Sana lang ‘e totoo ngang video karera ang dinurog ng nasabing maso …
By the way Mayor Oca, ‘yun kayang operasyon ng JUETENG ni Tony Bulok Santos sa Caloocan City ‘e kaya mo kayang durugin ng maso?
Mukhang pinagtatawanan ka lang ng isang alyas KAPITAN SERWIN ANDRADA dahil tuloy-tuloy lang ang JUETENG ni TONY BULOK SANTOS sa kanyang area.
Katuwang umano ni Andrada ang isang DYO-DYO SANTA, alyas KAPITAN GALGANHA at protektado ng mga ex-parak na sina KULANDING at KRIS.
Tsk tsk tsk …
Mayor OCA, hihintayin kong ‘durugin’ mo ng iyong maso ang JUETENG ni TONY BULOK SANTOS!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com