Nahaharap sa kasong smuggling sa Department of Justice (DoJ) ang dalawang importers ng mga ukay-ukay na kinasuhan ng Bureau of Customs (BoC).
Ayon kay BoC Commissioner Ruffy Biazon, ang mga kinasuhan ay kinilalang sina Luisa Villa Pascual, may-ari ng Great Circles Trading at Jessie Carlos Dionisio, may-ari ng Farold International.
Inihayag ni Biazon na kabilang sa isinampang kaso sa mga akusado ang paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines.
Aniya, umaabot sa P60 million ang halaga ng ukay-ukay shipment ang nasabat ng mga awtoridad.
Bukod sa may-ari, kinasuhan din ang brokers na sina Jeff Eyrron Juta at Nikov Ashley Vista.
Sa imbestigasyon, nagpasok sa bansa ang Great Circles Trading ng isang 40-footer container van at idineklarang mga laruan ngunit nadiskubreng naglalaman ito ng P7.5 million ukay-ukay.
Samantala, nasa 40-foot container van naman na idineklarang machinery spare parts, pneumatic tools, hardware items at school supplies ang ipinasok ng Farold International na natuklasang naglalaman ng P52.5 million used clothings.
Nabatid na ang na-sabing mga kontrabando ay nasabat ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation sa Manila International Container Port (MICP).
(leonard basilio)