IPINAWALANG-BISA ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang utos ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes P. Sereno na imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sinasabing fixer sa korte na isang Ma’am Arlene.
Nagpasya ang mga mahistrado na ang SC en banc na ang magsagawa ng imbestigasyon sa paglutang ng pangalang Madam Arlene na sinasabing malakas ang impluwensiya sa hudikatura o tinaguriang “court fixer.”
Sa ginanap na en banc session ng mga mahistrado nitong Oktuber 17, nagtalaga ng committee na pamumunuan ni SC Associate Justice Marvic Leonen ang imbestigasyon sa kontrobersiya.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng SC en banc na pagsama-samahin ang lahat ng resulta ng mga ginagawang parallel investigation hinggil sa naturang usapin at isumite sa komite na pinamumunuan ni Justice Leonen.
Kabilang sa mga nag-iimbestiga ang Office of the Court Administrator na pinamumunuan ni Jose Midas Marquez, ang DoJ-NBI probe at maging ang imbestigasyon ng Court of Appeals na iniutos ng Presiding Justice.
Noong nakaraang linggo, unang hiniling ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno kay Justice Secretary Leila de Lima ang tulong para imbestigahan ang sinasabing Arlene.
Sa kautusan kamakailan ni Sereno, dapat maisailalim sa “lifestyle check” ang mga judges at court employee. (LEONARD BASILIO)