BAGO pa man nagsimula ang 38th season ng PBA ay tinitignan na ng Barangay Ginerba San Miguel ang posibilidad na kunin si Gregory Slaughter bilang top pick ng 2013 Draft.
Kaya nga nakipag-trade ang Gin Kings sa Air 21 sa pagbabaka-sakaling makuha nga nila ng top pick. Kasi nga, nais ng Gin Kings na malakas din ang frontline nila tulad ng ginawa ng Petron Blaze. Hindi nga ba’t kinuha ng Boosters bilang top pick ang 6-9 na si June Mar Fajardo.
Alam naman nating lahat na sina Slaughter at Fajardo ay magkaribal sa Visayan basketbal scene. Napunta nga lang si Slaughter sa Ateneo matapos na maging miyembro ng Gilas cadet team.
Si Fajardo naman ay naglaro para sa San Miguel Beermen sa ASEAN Basketball League bago lumahok sa nakaraang Draft.
Well, natupad ang pangarap ng Gin Kings na makamtan ang top pick ng susunod na PBA Rookie Draft na gaganapin sa Robinson’s Manila sa Nobyembre 3.
Ang tanong: Interesado pa ba sila kay Slaughter?
Kasi, sa Finals ng nakaraang PBA D-League tournament ay hindi nakapamayagpag si Slaughter na naglaro para sa NLEX Road Warriors.
Aba’t ang itinapat lang sa kanya ay si Justin Chua na kakampi niya sa Ateneo. Kumbaga’y second stringer ngang itinuring si Chua sa Ateneo, e.
Pero hindi nakaporma si Slaughter!
Hayun at tinalo ng Blackwater Sports ang NLEX upang mapatid ang pamamayagpag ng Road Warriors sa D League. Hindi tuloy nakuha ng NLEX ang ikalimang sunod na titulo nito.
Siyempre, ang pangyayaring iyon ay natanim sa isipan ng mga PBA scouts.
Pero tapos na iyon, e. Baka naman natuto na si Slaughter sa mapait na karanasang iyon.
Hindi siya puwedeng isnabin ng Gin Kings o ng kahit sinumang PBA team. Matangkad siya e.
You can’t teach height, hindi ba? saan ka makakakita ng seven footer dito sa Pilipinas. Araw-araw ba’y may makikita kang higante sa kalye?
Sabrina Pascua