Kinondena ng mga nakatatanda sa Novaliches, Quezon City ang patuloy na pagsuway ni Comelec Commissioner Sixto Brillantes sa utos ng Supreme Court (SC) na iproklama na ang dalawang karapat-dapat na kinatawan ng Senior Citizens party-list para mapangalagaan ang kanilang mga karapatan sa Kongreso.
Bagamat diniskuwalipika ng Comelec ang Senior Citizens party-list na may dalawang paksiyon, nakakuha pa rin ng 677,642 boto sa halalan noong Mayo 13 kaya iniutos ng SC na iproklama ang dalawang kinatawan ng mga nakatatanda.
“Natapos na ang mga hearing sa dalawang paksiyon at inihayag na ni Brillantes sa media na mayroon siyang ‘Solomonic solution’ para maiproklama ang dalawang kinatawan ng Senior Citizens pero magpa-Pasko na wala pa rin proklamasyon ang Comelec,” ayon kay Gng. Gloria Victoria ng New Haven Village sa Novaliches.
“Ano ba ang hinihintay ni Brillantes, mangamatay kaming nakatatanda para matauhan siya? Lumalabas tuloy na totoo ang tsismis na nilalakad ng isang Fiscal Sales para maiproklama ang hindi karapat-dapat sa Senior Citizens party-list,” dagdag ni Victoria. “Iyan ba ang matuwid na landas? Hindi niya sinusunod pati ang utos ng Korte Suprema? Dereliction of duty ang ginagawa niya? Naunang umugong na ipoproklama na ng Comelec ang dalawang pangunahing nominee ng dalawang paksiyon na sina Atty. Godofredo Arquiza at Francisco Datol, Jr. ngunit inihihirit ni Fiscal Sales na maupo rin ang kaalyado ni Arquiza na si Gng. Milagros Magsaysay kaya bantulot na magproklama si Brillantes sa kung anong dahilan.
“Sana maisip ni Brillantes na dapat may nagbabantay sa mga karapatan naming nakatatanda sa Kongreso lalo’t maraming anomalya ngayon sa gobyerno,” dagdag ni Gng. Victoria. “Naghihintay ba ng isang Janes Napoles sa Comelec si Brillantes para makapagproklama siya sa Senior Citizens party-list?”