PABOR ang tatlong mataas na opisyal ng Manila Police District (MPD) na ibalik ang parusang bitay laban sa mga pusakal na kriminal.
Ito ang pahayag nina Sr/ Supt. Ronald Estilles, deputy director for administration, Chief Insp. Erwin Margarejo, ng District Police Relations Division at Chief Insp. Claire Dudal, taga-pagsalita ng MPD sa linggohang Mabuhay Forum ng Manila City Hall Press Club sa Maynila kahapon.
Ani Estilles, paulit-ulit na lang ang paglabag sa batas ng mga pusakal na kriminal gaya ng mga holdaper, magnanakaw at iba pang notorious criminal dahil pagkatapos nilang magkasala, magpipiyansa lamang at makalalaya na at muling gagawa ng krimen.
Naniniwala rin si Major Cudal na madaling matukoy ang mga dapat patawan ng death penalty dahil may record sila ng kanilang ginawang pagkakasala sa komunidad.
Sa kanyang panig, komporme rin si Margarejo na buhayin ang death penalty lalo pa at hindi nagsasawa ang mga kriminal sa paggawa ng mga paulit-ulit na krimen.
Kaugnay nito nanawagan si Estilles sa mga mambabatas na amyendahan ang mga kasalukuyang batas laban sa mga panghoholdap, panloloob sa mga banko at mga sanlaan at iba pang establishment, carnapping at illegal na pagdadala ng baril.
Bukod aniya sa pagbabalik ng death penalty, dapat din taasan ang piyansa (gawing isang milyon) ng mga lumalabag sa batas.
Nabatid din sa tatlong opisyal na bumaba ang kriminalidad sa Maynila sa nakalipas na halos apat na buwan dahil sa pinaigting na police visibility sa pagtatalaga ng limang task force, Task Force Chinatown, TF Divisoria, TF Market, TF University Belt Area at TF Tourist Belt.
(Leonard basilio)