AYON sa batas walang sinoman ang tinutubuan ng karapatan na angkinin ang kanilang puwesto sa pamahalaan sapagkat ang puwestong ito ay pag-aari ng bayan at hindi ng pribadong indibidwal pero may palagay ako na hindi ganito ang pagkakaintindi ng ilang opisyal ng Kawanihan ng Aduana (Bureau of Customs) na umaangal sa ginawang paglilipat sa kanila ng posisyon.
Hiniling kamakailan ng 15 opisyal ng BoC sa Manila Regional Trial Court na pigilan ang kanilang commissioner na ipatupad ang rigodon sa kanilang kawanihan dahil sila ay malilipat mula sa kanilang pwesto tungo sa tanggapan sa Department of Finance. Wala raw due process na nangyari at nagkaroon ng paglabag sa kanilang security of tenure.
Natatawa ako sa kanila. Hindi naman sila tinanggalan ng trabaho o na-demote at wala namang kasong isinampa laban sa kanila kaya hindi ko maintindihan ang kanilang ginawang pagsasampa ng petisyon sa Manila RTC.
Kung susundin natin ang lohika, lumalabas na kapag nalagay ka pala sa isang pwesto ay hindi ka na puwedeng tanggalin nino man. Malinaw na lumalangoy sila sa sense of entitlement. Ewan ko ba kung bakit pinatulan at kinatigan ng Manila RTC ang petisyon ng mga mokong. Ano palagay ninyo, bakit kaya?
Common sense lang ang isyu. No one is indispensable pagdating sa puwesto sa pamahalaan.
* * *
Hanggang ngayon ay wala akong naririnig mula sa ating Department of Foreign Affairs na pakikiramay sa bansang Vietnam dahil sa pagkamatay ng isa sa mga pambansang bayani nito na si Hen. Vo Nguyen Giap .
Si Giap, na mas kilala sa taguring Pulahang Napoleon ng Vietnam o Red Napoleon of Vietnam dahil sa husay sa pakikidigma, ang heneral na tumalo sa mga mananakop na Pranses at Amerikano ng Vietnam sa kabila ng pagiging salat sa makabagong kagamitang pandigma at kawalan ng control sa himpapawid ng kanyang pwersa.
Ang tagumpay ni Giap ay malaking ambag sa pandaigdigang kilusan sa pagpapalaya laban sa kolonisasyon ng mga kanluraning bansa. Ang pagbibigay-pugay at pakikiramay ng ating DFA sa Vietnam kaugnay ng pagkamatay ni Giap ay isang tamang hudyat ng pakikiisa natin sa pandaigdigang kilusan laban sa kolonisasyon.
Huwag sanang patunayan ng DFA ang bulong-bulungan na kaya hindi nagpapadala ng pakikiramay ay dahil hindi naniniwala ang kasalukuyang administrasyon Aquino na dapat lumaya ang maliliit na bansa mula sa pagiging kolonya ng mga bansang kanluranin. Bukod pa rito, ito ay tila bilang pagsunod ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa kagustuhan ng mga kaibigang Amerikano na huwag kilalanin ang isang taong humiya nang husto sa kanila katulad ng pagtanggi nila na itaas si Gat Andres Bonifacio dahil sa panganib na dala ng kanyang kaisipan sa kanilang adgenda sa ating bayan.
* * *
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga isyu ng panahon ugaliing making sa podcastpilipinas.com/nelsonflores tuwing Huwebes alas nueve (9) hanggang alas diyes (10) ng gabi.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores