NGAYONG tapos na ang UAAP Season 76, inaasahang babalik na ang head coach ng kampeon ng men’s basketball na La Salle na si Juno Sauler sa Barangay Ginebra San Miguel bilang assistant coach.
Nagkausap si Sauler kay Ginebra team manager Alfrancis Chua noong Sabado pagkatapos ng 71-69 panalo ng Archers kontra UST Tigers sa Game 3 ng finals tungkol sa bagay na ito.
“I told coach Al na babalik na ako sa practice ng Ginebra this week,” wika ni Sauler sa panayam ng Radyo Singko 92.3 News FM noong Linggo. “Pero I’m not sure kung ano ang magiging role ko kasi ine-evalulate pa ng management tungkol sa gagawin ng team lalo na malapit na ang rookie draft.”
Bukod kay Sauler, kasama rin sa Ginebra ang kanyang assistant coach sa La Salle na si Allan Caidic.
Idinagdag ni Sauler na babalik sa kani-kanilang mga klase ang mga manlalaro ng Green Archers samantalang balak ni Norbert Torres na mag-enroll sa Masters degree para ipagpatuloy ang kanyang paglalaro sa La Salle.
Nagtapos si Torres ang kanyang pag-aaral ngunit hindi siya dumalo sa kanyang graduation ceremony dahil isinabay ito sa Game 3 ng Finals.
Walang balak din ang mga manlalaro ng La Salle na sumabak sa PBA D League. (James Ty III)