MATAPOS mabunyag sa pahayagang HATAW ang operasyon ng jueteng sa premier city ng Muntinlupa, agad nagsagawa ng operasyon ang isang unit ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa nasa-bing lungsod na ikinaares-to ng 14 katao.
Isinailalim sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Supt. Alenzano ang 14 katao at ilan sa kanila ay umamin na kobrador at kabo sila sa jueteng ope-rations ng isang alyas Josie Borja.
Nabisto ang operas-yon ng jueteng sa lungsod na pinamumunuan ngayon ni Mayor Jaime Fresnedi nang ilabas sa kolum na Bulabugin ng pahayagang ito ang pamamayagpag ng isang alyas Salbador na nagpapakilalang bagman ng City Hall.
Bukod sa isang Josie Borja, sinabi rin ng mga residente sa Muntinlupa na mayroon din operasyon ang isang alyas Boy Arujado, Samboy, Emily, Tisay at Lando.
Kamakailan lang ay muling ipinaalala ni Philippine National Police (PNP) chief, Dir. Gen. Alan Purisima na pursigido siyang ipatupad ang ‘one-strike policy’ sa laban sa lahat ng illegal gambling operations.
Gayonman, naniniwala ang Muntinlupa residents na bigo si Purisima maging si NCRPO chief, Gen. Marcelo Garbo na ipatupad ang kanilang ‘one-strike policy’ dahil namamayagpag ang jueteng sa kanilang lungsod.
Ang Muntinlupa ay kinikilala ngayon posh and cosmopolitan city sa Metro Manila.
Napatunayan din ng mga residente na totoo ang impormasyon na nakararating sa kanila na mayroong jueteng operations sa lungsod matapos maaresto ang 14 tauhan ni alyas Borja. (JSY)