DUMISTANSYA ang Malacañang sa panawagan ng ilang sektor sa mga opisyal ng Social Security System (SSS) na isoli ang natanggap na P1-million performance bonus.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, bagama’t aprubado na ang nasabing incentives, maaari rin aniyang hindi pa naibibigay ang mga ito.
Sinabi ng opisyal, nasa personal na desisyon na rin ng SSS officials kung tatalima sa panawagan ng mga miyembro.
“Kung matuloy man iyan, kung magdesisyon sila, ay nasa sa kanila na. We cannot answer for them kung ano ‘yung kanilang magiging tugon sa panawagan na ‘yan,” ani Valte.
Una rito, ipinaliwanag ng Governance Commission for GOCCs (GCG) na walang irregular sa P1-million bonus na natanggap ng bawat board members ng state-run Social Security System (SSS).
Sinabi ni GCG spokesperson Paolo Salvosa, naaayon sa batas at kaukulang kompensasyon sa private sector ang nasabing performance-based incentive.
Una nang umalma ang mga miyembro ng SSS sa ulat na bukod sa P40,000 per diem allowance sa kada board meeting, tumanggap pa ng karagdagang bonus ang mga opisyal ng ahensya.