PINAIGTING pa ng Department of Health (DoH) ang kanilang monitoring matapos umakyat na sa 534 ang bilang ng naitatalang kaso ng leptospirosis sa Olongapo City.
Sa naturang tala ay nasa 10 ang namatay, ilang araw lamang matapos silang magpositibo sa naturang karamdaman.
Ayon sa record ng Olongapo City local health office, ito na ang pinakamataas na bilang ng leptospirosis cases sa buong kasaysayan ng kanilang lugar.
Dahil dito, namahagi ng panibagong set ng mga gamot ang DoH makaraan muling magkaroon ng panibagong mga pagbaha dahil sa bagyong Santi.
Ayon kay DoH Spokesman Asec. Eric Tayag, patunay ang pangyayari sa Olongapo City na hindi dapat ipagwalang-bahala ang kaso ng leptospirosis.
Ito ay dahil kahit dalawang linggo na ang nakararaan mula nang lumusong sa baha ay maaari pa rin magpositibo sa sakit.
Payo ng DoH, kung hindi maiiwasan ang pag-lusong sa baha, agad maligo o hugasan ang paa nang may sabon at kung duda pa rin ay magtanong sa mga nakaantabay na health officials upang makainom nang wastong gamot at mahadlangan ang epekto ng leptospirosis sa katawan. (LEONARD BASILIO)