Turn from evil and do good; seek peace and pursue it.—Psalm 34:14
NALAGPASAN na ni Presidente Erap ang ika-100 araw n’ya sa Maynila. Bagama’t may mga balakid, nagampanan naman niya nang maayos ang kanyang pamumuno sa Lungsod ng Maynila.
Pero unsolicited advice lamang Presidente Erap, kalusin na sana ninyo ang mga opisyal na ‘mikrobyo’ lamang sa inyong administrasyon. Mga opisyales na kuwestyonable ang pagkatao at kredensyal. Mga opisyales na sinasamantala ang inyong kabaitan.
Dahil sabi nga hindi benebeybi ang mikrobyo, pinapatay!
***
KUNG may sariling palo at delicadeza lamang ang ilang opisyal na namumuno ngayon sa city hall, dapat ay MAGBITIW na sila kung alam din naman nila na wala silang sapat na kakayahan pamunuan ang departamento.
Mga opisyales na itinalaga for political accomodation lamang. Tapos na ang 100 araw. Tapos na ang “honeymoon period” kaya dapat itanong ng mga nasabing opisyales kung naging epektibo ba ako sa posisyong ibinigay sa akin sa loob ng 100 araw? Kung ang sagot ay HINDI.
Aba, layas na!
***
HINDI ba mga Kabarangay? Hindi na natin babangitin ang pangalan ng mga opisyales na naitalaga lamang dahil sa utang na loob o dahil malakas siya kay ganito o rekomendasyon ni ganito.
Ang dapat sabihin sa sarili karapat-dapat pa ba akong manatili dito sa puwesto? May kompiyansa pa rin ba sa akin si Presidente Erap? May kredensyal at kakayahan ba ako pamunuan ang departamento?
‘Yan ang mga tanong ‘di ba boss Car-ter!
***
PERO kung paiiralin ang kakapalan ng mukha at kapit-tuko sa puwesto, ‘e, talagang hindi mangyayari ang courtesy resignation ng mga opisyales ng city hall.
Kasehodang masabihan ng walang kahihi-yan, o delicadeza ang mahalaga, tumatabo ang kanilang bulsa!
Ano sa palagay mo sir payad?
TULUNGAN NATIN
ANG MGA TAGA-SAN MIGUEL, BULACAN
—MAYOR LIM
NAGPAABOT nang pakikisimpatiya si Mayor Alfredo Lim sa mga kababayan niya sa San Miguel Bulacan na nasalanta ng matinding baha dahil sa bagyong si Santi nitong Biyernes.
Masyadong nabahala si Mayor Lim sa bayan na tinubuan ng kanyang mga magulang dahil 40 barangay ang lubog na lubog sa baha. Lagpas tao ang baha at maraming kababayan si Mayor Lim sa San Miguel ang na-stranded sa kani-kanilang kabahayan.
***
LUMALABAS na 90 porsiyento ng barangay sa San Miguel, Bulacan ay naparalisa dahil sa baha.
Kaya nanawagan si Mayor Lim sa mga may mabubuting kalooban na tulungan ang kanyang bayan sa San Miguel, Bulacan. Ngayon lamang nakaranas ang mga taga-San Miguel nang ganitong pagbaha, kaya sana naman ay maabutan sila ng ayuda ng ating gobyerno at mga nakakariwasang kababayan.
Tulungan natin sila mga Kabarangay!
MABUHAY ANG FELIX Y. MANALO FOUNDATION!
SUSPENDIDO ang klase ngayong araw (Lunes) sa lahat ng antas ng eskwelahan sa Lungsod ng Maynila, upang bigyan-daan ang malaking pagtitipon ng ating mga kapatid sa Iglesia ni Cristo (INC) na maglulunsad ng medical and dental missions sa ilalim ng Felix Y.Manalo Foundation.
Nagbaba ng Executive Order No. 31 si Presidente Erap para sa suspension of classes in all levels sa Maynila.
***
NGAYON pa lamang ay binabati natin ang ating mga kapatid sa INC sa kanilang “Kababayan ko, Kapatid ko, Lingap sa Mamamayan project” na inaasahang dudumugin ng 1.6 milyon katao na nangangailangan ng kalinga sa kalusugan.
Ang inyong Lingkod ay kaisa sa ganitong adbokasiya nang pagtulong at mabubuting gawain sa kapwa ng Iglesia ni Cristo (INC).
***
BAGAMAN, tayo ay isang sagradong katoliko, malapit sa atin ang mga taga-INC dahil ang aking Lola Maria Santos ang nangalaga sa unang Kapilya, itinayo ng INC noon sa Cavite City.
Kasa-kasama ko ang aking Lola Maria na nagbubukas at naglilinis sa kapilya ng Iglesia na noo’y kamalig lamang. Hanggang umusbong sa iba pang karatig-bayan ng lalawigan ng Cavite.
Mabuhay kayo mga Kapatid!
Para sa anumang komento, mag-email sa [email protected]. o mag-text sa 09323214355. Lumalabas ang ating kolum tuwing Lunes, Martes at Huwebes.
Chairwoman Ligaya V. Santos