NAGPASAKLOLO sa mga kagawad ng pulisya kahapon ang mag-asawang Chinese, pawang negosyante upang mahanap ang nawawala nilang anak na umalis sa kanilang tinutuluyang bahay sa Ermita, Maynila nitong Oktubre 8 (2013).
Sa salaysay kay SPO2 John V. Cayetano ng MPD General Assignment Section kahapon, tinukoy ng mag-asawang sina Zu Liming (ina) at Shuizheng Wu (ama), 51, Chinese nationals, naninirahan sa #1015 MH Del Pilar St., corner T.M. Kalaw. Ermita, Maynila, ang nawawala nilang anak na si Eric Wu, 29, may-asawa, naninirahan sa nabanggit na lugar.
Huling nakita ng kanilang gwardiya na umalis si Eric Wu nang nasabing petsa ngunit hindi alam kung saan patungo.
Nabatid sa salaysay ng mag-asawa, noong Oktubre 10, ay tumawag pa si Eric Wu sa kanyang misis na nasa China, at ipinabatid na siya (Eric Wu) ay nasa loob ng hindi nabatid na restaurant sa Ongpin St., Binondo.
Nababahala ang mag-asawang negosyante na may masamang nangyari sa kanilang anak na hindi anila nakauunawa ng salitang Tagalog.
Kaugnay nito, nananawagan sa publiko ang mag-asawa na ipaalam kay MPD GAS investigator SPO2 John V. Cayetano ang kinaroroonan ng kanilang anak o sa cellphone number 0917-5891589, hanapin lamang si Mary Co, ang interpreter ng pamilya Wu.
(LEONARD BASILIO)