BAGAMA’T nasa labas na ng Philippine area of responsibility ang bag-yong Santi, nakataas pa rin ang flashflood at landslide alert ng Pagasa sa ilang lugar sa northern at southern Luzon.
Ayon sa weather bureau, inaasahang magdudulot pa rin ng mga pag-ulan at thunderstorms ang “outer rainbands” ng bagyo, partikular sa Ilocos Region, Mimaropa at mga lalawigan ng Cagayan at Aurora.
Una nang nag-iwan ng 13 kataong patay ang bagyo matapos tumama ang sentro nito sa Aurora province.
Samantala, batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Coast Guard, nasa 1,811 katao pa rin ang stranded dahil sa bagyo.
Sa Twitter account ng ahensya, tinukoy na kabilang dito ang 273 sa Metro Manila at Central Luzon at 1,527 sa Central Visayas.
Batay naman sa hiwalay na report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, tinatayang 219,591 katao ang naapektohan ng kalamidad. (HNT)