MAY nakahanda nang alternative markets ang gobyerno para sa overseas Filipino workers (OFWs) na posibleng maapektohan sa isinusulong na ban sa Hong Kong.
Tiniyak ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz, hindi pababayaan ng gobyerno ang mga kababayan sakaling maaprubahan ang kontrobersyal na panukala ng isang political party sa nasabing bansa.
Una na rin umalma ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa nasabing hakbang laban sa mga manggagawang Filipino.
Ayon kay DFA Spokesperson Raul Hernandez, hindi makatarungan na gamiting ‘hostage’ ng Hong Kong ang Filipino workers para sa kanilang demand na apology ng Philippine government kaugnay sa nangyaring Manila hostage-taking incident.
Maalala na sa nasabing insidente noong 2010, walong Hong Kong nationals ang namatay.
“Let us de-link the issue from the Filipino workers in Hong Kong whose dedication to their work and high skills set have contributed to the society and economy of Hong Kong,” ani Hernandez.
Sa ngayon, tinatayang 160,00 Filipino domestic workers ang naka-base sa nasabing special administrative region.
Tiniyak rin ni Asec. Hernandez na patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa Hong Kong para mapahupa ang sitwasyon. (BETH JULIAN)