BINALAAN ngayon ni Senador Loren Legarda ang pamahalaan na magsagawa na ng hakbang upang paghandaan ang isang “worst case scenario” sa suplay ng bigas sa bansa dahil “ang pagtama ng iisang bagyo mula ngayon ay magdadala ng malaking kaibahan mula sa katatagan papunta sa krisis gaya noong 1995.”
Ang tinutukoy ni Legarda ay ang krisis sa bigas noong taon 1995 na nagkaroon ng pagtaas sa pangangailangan na umabot ng 5.7% na pinalala pa ng tagtuyot noong 1994. Dahil dito, napilitan ang mga mamimili na pagpilahan ang bigas ng NFA (National Food Authority) na noon ay nasa P10.25 kada kilo, higit na mababa ang presyo kompara sa commercial rice na tumaas mula P21 hanggang P28 kada kilo.
“Nagkapatong-patong ang dahilan sa krisis sa bigas noong 1995,” ayon sa mambabatas.
“Una’y ang klima. Hindi natugunan ang pangangailangan ng bansa ng aning hindi naman lumago dala ng tagtuyot noong 1994. Ang nakababahala rito ay mas lalo tayong nasa panganib ngayon sa gitna ng pabago-bagong klima kompara sa nakaraang halos dalawang dekada.”
Paliwanag ni Legarda, “noong 1995, naging dagok ang tagtuyot sa problema ng bansa sa bigas. Ngayon, maisasawalang-halaga ang isang buong tag-ani dahil lamang sa pananalasa ng nag-iisang bagyo na laging may kaakibat na pagbaha. Alalahanin natin nang tumama ang Bagyong Juan noong 2010, kalahating milyong metriko toneladang bigas ang ipinagkait sa atin ng kalamidad na iyon.”
“Sa lakas at lakas ng pananalasa ng mga bagyong tumatama sa bansa ngayon, napakalaki ng maaaring ibigay na dagok sa suplay at presyo ng bigas ng isa o dalawa pang bagyong maaaring daraan sa atin ngayon taon,” ani Legarda.
KRITIKAL ANG PAPEL NG GOBYERNO
Idinagdag ng mambabatas na ang higit na kritikal na dahilan sa krisis ng 1995 ay ang kabiguan ng gobyerno na paghandaan ang epekto ng tagtuyot sa suplay nito.
“Ang nagpalala noong 1995 ay nawala sa posisyon ang pamahalaan na hadlangan at tugunan ang krisis,” giit ng babaeng mambabatas.
“Iniulat ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang pag-aatubili ng gobyerno ang nakadagdag sa dagok ng krisis sa gitna ng dalawang rekomendasyon noon mula sa dalawang ahensya hinggil sa importasyon ng bigas,” ayon kay Legarda.
“Importasyon ng 300,000 MT bigas ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) samantala ang sabi naman ng NFA ay 700,000 MT ang dapat angkatin. Mas pinili ng gobyerno ang DA recommendation, kaya nagdulot ng labis na kakulangan sa bigas, hindi abot-kayang presyo nito at pinagpilahan ng napakahaba ang mas murang NFA rice.”
Hindi nalalayo rito ang kinakaharap ng gobyerno ngayon, ayon sa mambabatas. Dalawang ahensya rin ang nagbigay ng magkasalungat na rekomendasyon hinggil sa pag-angkat upang tugunan ang pangangailangan. Ang DA at ang pangunahing ahensyang tagapangasiwa sa ekonomiya at pag-unlad – ang National Economic and Development Authority (NEDA).
“Ang isa’y ang NEDA na nagbigay-payo sa pag-angkat ng kalahating milyong metriko toneladang bigas upang pababain ang presyo. At ang isa nama’y ang DA na nagsasabing sapat ang imbentaryo,” sabi ni Legarda.
“Kailangang pagdesisyonan ng ating gobyerno kung alin sa dalawang rekomendasyon ang makatuwiran sa gitna ng mataas na presyo ng bigas at ang posibilidad na mapalala ng bagyo ang suplay nito.”
Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2005, “Rice and Philippine Politics,” maagap at angkop na aksyon ng gobyerno ang tanging makakapigil sa krisis.
Inilahad ng nasabing pag-aaral na ang tugon noon ng gobyerno sa krisis ng 1995 ay ang pag-angkat ng mas malaking bulto ng bigas mula 1996 hanggang 1998. Ang mas malaking imbentaryo ng NFA ang higit na nakatugon sa pangangailangan ng mga mamimili sa Mindanao nang tamaan ng El Niño noong 1997 at 1998. Dahil dito, ang presyo ng bigas ay naging matatag at lalo pang bumaba sa kabila ng pagnipis ng aning palay noong 1998 dahil sa El Niño phenomenon.
BUHUSAN NG PUHUNAN ANG MAGSASAKA
Higit na binibigyang-diin ng usapin sa suplay ng bigas, ayon kay Legarda, ang pagpapaibayo ng ayuda ng gobyerno para sa mga magsasaka.
“Kailangan nating masigurong hindi mapapag-iwanan ang ating mga magsasaka habang tinutulungan nating mapababa ang presyo ng bigas,” giit ni Legarda.
“Dapat tiyakin ng DA at ng NFA na maipagbibili pa rin ng mga magsasaka ang kanilang mga palay sa mataas na halaga. Upang lumago ang produksyon ng ating mga sakahan, kailangang buhusan ng gobyerno ang sektor ng pagsasaka ng mas marami pang suporta gaya ng mabilisang mga proyekto sa irigasyon. Dapat mamuhunan ang pamahalaan sa mas marami pang farm-to-market roads upang mapababa ang presyo sa transportasyon ng lokal na ani tungo sa pagpapalago ng kita ng mga magsasaka kahit pa nga mababa ang presyo nito para sa mga mamimili.”
HATAW News Team