SINAMPAHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng P32-million tax evasion case si Jeane Napoles, anak ni Janet Lim-Napoles, ang sinasabing utak sa kontrobersyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Ayon kay BIR Commissioner Kim Henares, bigong makapagbayad ng buwis para sa taon 2011 at 2012 si Jeane na may mga ari-arian sa Los Angeles, California sa Amerika at farm lot sa Bayambang, Pangasinan.
Batay sa imbestigasyon ng BIR, may pag-aaring condominium unit si Jeane Napoles sa Ca-lifornia na umaabot sa P54.73 million habang ang property niya sa Pangasinan ay nagkahalaga ng P1.49 million noong 2012.
Ang anak ni Janet Napoles ay pang-191 sa mga kinasuhan ng tax evasion sa DoJ.
Magugunitang kinasuhan din ng tax evasion ng (BIR) sa Department of Justice (DoJ) si Janet at mister niyang si retired Marine Maj. Jaime Napoles dahil sa hindi pagdedeklara nang tamang kinita, buwis at ulat sa income tax return (ITR).
Ayon kay Henares, aabot ang total liability ni Janet sa P44.68 million; habang P16.43 million naman para sa kanyang asawang si Jaime.
Tiniyak naman ng kawanihan na matibay ang kanilang mga ebidensya na nakalap mula sa mga nakatransaksyon ng ina-akusahang utak ng pork barrel scam. (BETH JULIAN)