UMABOT sa mahigit P.8M halaga ng salapi at mga alahas ang nakulimbat ng isang katulong na nagpalusot pa para makaligtas sa isinampang kaso sa Maynila, kamakalawa.
Kasong qualified theft ang isinampa laban sa suspek ng biktimang si Shi De Ming, 47, Chinese national, nakatira sa Room 701 no. 1230, Piedad St., Binondo matapos malimas ang higit sa P.8 milyong halaga ng pera at alahas sa loob ng kanyang condo unit.
Kinilala ang suspek na si Cherlyn Unlad, 18-anyos, dalaga, tubong Agusan del Norte at stay-in house maid sa tahanan ni Shi.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Rey Cereneo ng Manila Police District Theft and Robbery Section (MPD-TRS), dakong 7:30 p.m. nang umuwi si Sy at ang kanyang asawa sa kanilang condo unit ay napansin nilang bukas ang main door.
Agad nilang hinanap ang kanilang katulong ngunit wala siya at nakita nilang magulo ang kanilang mga gamit at wala sa posisyon ang mga kabinet. Napansin din nilang sapilitan binuksan ang pintuan ng master’s bedroom at napag-alamang nawalan sila ng tinatayang P100k cash at mga alahas na nagkakahalaga ng higit P700 k.
Agad nilang hinanap ang suspek, kasama ang anak na babae at si PO2 Alexander Garcia hanggang natunton si Unlad sa kanto ng Lakandula St., sa Tondo ngunit wala sa kanya ang mga ninakaw na salapi at alahas.
Kinombinsi ng suspek si Shi na nabiktima siya ng modus operandi ng dugo-dugo gang.
(leonard basilio/
daphney ticbaen)