Garapalan na at kasuklam-suklam na ang korupsyong nagaganap sa administrasyong Aquino, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY).
Anila, nakasusuklam umano ang P10 milyon bonus para sa Board of Directors ng Social Security System (SSS) batay umano sa kanilang magandang performance noong 2012, sa kabila ng lumalalang kahirapan na dinaranas ng malawak ng sambayanang Filipino.
Aabot naman sa P276 milyon ang bonus na nakuha ng iba pang empleyado ng SSS.
“Ilan ang mga pamilyang nagugutom sa bansa ang kayang pakainin ng bonus ng mga SSS officials?” tanong ni Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng grupo.
“Habang nakikipagbatuhan sa mga pulis ang mga maralitang manininda sa paligid ng opisina ng SSS sa East Ave., upang kumita ng kakarampot na halaga para sa kanilang pamilya, nagpapasasa naman ang SSS officials at lider ng mga dilawang unyon sa mga bonus at kickbacks,” dagdag ni Arellano.
Habang tinitipid ng administrasyong Aquino ang pasahod sa mga manggagawa, milyon-milyon naman ang pinapasahod sa mga opisyales ng GOCCs na mga kabarilan, kaanak at kaibigan ng pangulo.
Kinondena rin ng KADAMAY ang dilawang unyon na Trade Union Center of the Philippines (TUCP) na isa sa mga kinunsulta at nag-apruba sa nasabing bonus.
“Matagal nang nagsisilbing instrumento ng gubyerno ang TUCP upang tipirin ang sahod ng mga manggagawa at tiyakin ang higanteng kita ng mga kapitalista,” ani Arellano.
Hinikayat ng KADAMAY ang mga manggagawang kasapi ng TUCP na singilin ang kanilang mga lider sa pagtataksil sa uring manggagawa at sambayanang Filipino. (HNT)